ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
2, BINARIL NAMAN SA Q.C.

10, patay sa magkakahiwalay na anti-drug ops sa Caloocan at Maynila


Sampu katao na sangkot umano sa iligal na droga ang nasawi sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa Caloocan at Maynila. Samantalang, dalawa katao rin--kabilang ang isang babae-- ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Quezon City.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na nanlaban umano si Julius Roldan, 32-anyos, kaya napatay ng mga awtoridad sa loob ng kaniyang bahay sa Caloocan nitong Miyerkules ng gabi.

Aminado ang ina ni Roldan na gumagamit ng shabu ang kaniyang anak pero hindi raw ito tulak gaya ng alegasyon ng mga pulis.

Sa barangay 155 na nasabing lungsod, napatay din ng mga pulis dahil nanlaban sina Jose Lactao at Glenn Dagdagan.

Sumuko na raw sa Oplan Tokhang ang dalawa pero hindi tumigil sa iligal na gawain.

Napatay naman sa barangay 8 ang isa sa mga kilabot na target umano ng pulisya na si Ernesto Atienza, alyas Barok.

Mahigit 15 sachet ng hinihilang shabu at ilang bala ng 'di pa tukoy na baril ang nakuha umano mula kay Atienza.

Isang lalaki rin na kahina-hinala ang kilos ang napatay din ng mga pulis sa eskinita sa Phase 8 sa Bagong Silang, at dalawa pang hindi nakikilalang lalaki ang napatay naman sa Tala, North Caloocan.

Sa Maynila, iniulat naman ni Mav Gonzales, na napatay ng mga pulis ang target ng buy bust operation si Job Guce, sa  Sta. Cruz.

Nakuha umano kay Guce ang isang kalibre 38 na baril  at isang sachet ng hinihinalang shabu.

Napatay naman sa buy bust operations sa Antipolo street sa Tondo, sina Alyas Onel at Alyas Boy Ahas, matapos na manlaban din umano sa mga awtoridad.

Sa Quezon City, pinagbabaril at napatay ng hindi pa kilalang salarin si Merlinda Bolo sa Commonwealth Avenue sa barangay Old Balara.

Pauwi na raw sa bahay matapos bumili ng gamot ang biktima, na dati nang Oplan Tokhang, nang barilin ito ng nakatakas na salarin.

Binaril din ng hindi pa kilalang salarin ang isang lalaki sa loob ng garahe sa area 2 Republic Street sa barangay Holy Spirit.

Hindi bababa sa 10 basyo ng bala ng baril ang nakuha ng mga imbestigador sa crime scene. -- FRJ, GMA News