Mga armadong lalaki na pumasok at nagnakaw umano sa ilang bahay, nakilala na
Lumitaw na mga pulis sa Caloocan na nakatalaga sa Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ang mga armadong lalaki na nakunan sa closed-circuit-television camera na pumasok sa ilang bahay at tumangay umano ng ilang gamit sa North Caloocan noong Lunes.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng hepe ng Caloocan police na si Sr. Supt. Johnson Almazan, na inihahanda na kasong isasampa laban sa siyam na pulis na kinilalang sina SPO2 Noli Albis; SPO2 Remegio Valderama Jr.; PO2 Jay Jano; PO2 Benedict Antaran; PO2 John Francis Taganas; PO1 Jhon Rey Dela Cruz; PO1 Carlomar Donato; PO1 Alexander Buhayo Jr.; at PO1 Rodie Germina.
Ang siyam na pulis na nakatalaga umano sa police satellite office sa North Caloocan, ay nakunan sa CCTV na lulan sa isang sasakyan na pawang nakasibilyan at armado nang pumasok sa ilang kabahayan sa barangay 187.
READ: Mga armadong lalaki, pumasok sa ilang bahay at tumangay ng mga gamit sa Caloocan
Reklamo ng mga nakatira sa pinasok na mga bahay, nawalan sila ng mga gamit, alahas at pera.
Iginiit ng mga pulis na mayroon silang lehitimong operasyon sa lugar para dakpin ang isa umanong drug pusher na inirereklamo na nagngangalang "Lando."
Itinanggi rin nila na may mga gamit silang kinuha sa pinasok na mga bahay, bagaman inamin ni SPO2 Albis na may kinuha silang video karera machine.
Lumabas din umano sa imbestigasyon na nagpunta sa tanggapan ng SAID ang isa sa mga umano'y may-ari ng bahay na ninakawan para magreklamo pero hindi raw ito hinarap ng mga pulis.
Ayon kay Almazan, inihahanda na ang kasong administratibo laban sa pulis, at posibleng sampahan din sila ng kasong kriminal. -- FRJ, GMA News