ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagbaril ng pulis sa lalaking balak daw mang-agaw ng baril, nahuli-cam


Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin ng isang pulis sa labas ng bangko sa San Pedro, Laguna. Ang lalaki, hinihinala ng mga awtoridad na lango sa droga, bayolente at balak daw mang-agaw ng baril.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, ipinakita ang viral video kung saan nakunan ang dalawang gwardya na nakatayo sa labas ng isang bangko sa San Pedro, Laguna.

(PAALALA, MASELAN ANG VIDEO)

Hindi nagtagal, dumating ang isang pulis na nagbunot ng baril at kinukuha ang nagwawala umanong lalaki na mula sa loob ng bangko.

Nakilala ang lalaki na si Sharief Amatonding.

Hinatak ng pulis si Amatonding palayo sa bangko pero mahigpit ang kapit nito sa hawakan ng pinto.

Maya-maya pa, dumistansiya ang pulis sa lalaki at narinig na ang putok ng baril.

Sa pagkabigla ng kumukuha ng video, hindi na nito nakunan ang aktwal na pagbaril.

Sa spot report ng San Pedro Police, sinabing 2:30 pm nitong Biyernes, nang humingi ng tulong ang guwardiya ng bangko sa dumang police mobile ng Biñan Police dahil sa isang lalaking lango umano sa droga at nagpipilit pumasok sa bangko.

Sa paunang imbestigasyon ng San Pedro Police, at sa nakasaad sa spot report, napilitan daw ang pulis na barilin si Amatonding dahil sa pagiging bayolente nito at akmang mang-aagawin ng baril.

Pero bago ang insidente ng pamamaril, napag-alaman din na naunang rumesponde ang San Pedro Police sa isang hotel lungsod dahil sa reklamong alarm and scandal laban sa umano'y live in partner ng Amatoding na si Amerah.

Ayon sa pulisya at spot report, nakita umano sa kuwarto ni Amerah ang drug paraphernalia at hinihinalang shabu.

Sinampahan ng reklamong alarm ang scandal at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 si Amerah nitong Sabado ng hapon.

Sinabi naman ni Laguna Police Provincial Director Senior Superintendent Joel Pernito, na paiimbestigahan niya ang nasabing insidente. -- FRJ, GMA News

Tags: hulicam