ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Samuel Ong may banta sa buhay - Biazon


Pinagbabantaan ang buhay ni Samuel Ong kung kaya nahihirapan siyang tumestigo sa imbestigasyon ng Senado ukol sa “Hello, Garci" issue. Ito ang pahayag ni Sen. Rodolfo Biazon, chair ng Senate defense committee nitong Huwebes ukol sa panganib sa buhay ng dating deputy director ng National Bureau of Investigation (NBI). "Through the chairman of the defense committee in the Senate, it was informed that the Senate is ready to provide physical security during the transport of Attorney Ong from where he is going to be picked up, up to his appearance in the Senate, and when he is going to be returned to where he is going to be picked up," ayon kay Biazon. Nahaharap si Ong sa kasong sedisyon dahil hawak niya ang binansagang ‘mother of all tapes’ nang lumantad ito noong June 2005. Laman ng tapes ang natiktikang pag-uusap nina Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at dating elections commissioner Virgilio Garcillano noong kasagsagan ng May 2004 elections. Bagamat maaaring magpiyansa sa kaso, lubhang mapanganib naman sa buhay ni Ong ang dumalo sa imbestigasyon ng Senado sa Biyernes, alas-10 ng umaga, ayon kay Biazon. Samantala, kinumpirma ni Biazon na nagpasabing pupunta sa Biyernes sina dating intelligence agent Vidal Doble Jr, Balanga Bishop Socrates Villegas at retiradong heneral at dating AFP chief Efren Abu. Pinadalahan na rin ng subpoena ng Senado si Garcillano at isang imbitasyon naman para kay Ong. Ayon kay Biazon, mukhang mahihirapan silang ipatawag si Navy Vice Admiral Tirso Danga dahil sa Executive Order 464 na pumipigil sa sinumang miyembro ng gobyerno na dumalo sa anumang pagdinig nang walang pahintulot ng Pangulo. Kahit magretiro na si Danga sa ika-24 ng Setyembre, maaari pa rin diumanong pahabain ng Malacañang ang kanyang termino o italaga sa ibang posisyon upang masakop ng EO 464. "I assume the hearing will go beyond September 24 where Danga will be shedding the protection of EO 464, unless of course he is extended. If he is extended, that will be a major issue in the rank and file of the AFP. Or if he is immediately upon retirement appointed to any position in the executive department, such as being an ambassador or a member of an executive department in the government, we will deal with that possible scenario as it comes," ayon kay Biazon. Mahalagang makadalo si Ong sa pagdinig ng Senado, ayon kay Biazon, dahil siya ang magbibigay linaw sa laman ng mga tape na isinumite niya sa ika-13 Congress. Noong panahong iyon, ibinigay ni Ong ang mga tape at inutusan ni Biazon na markahan ang mga ito upang hindi maakusahan na pinalitan ng Senado. Hiningan din ng affidavit si Ong upang ilahad kung paano niya nakuha ang mga tape at ipinabuod rin sa kanya ang mga nilalaman nito. "[But] we are not blocked on the possible testimonies of Atty. Samuel Ong. There have been corroborating testimonial and physical evidence to establish the facts he stated in his affidavit," sinabi ni Biazon. Maaari ring kumpirmahin ni Ong ang testimonya ng dating kasintahan ni Doble na si Marietta Santos na ang ilan sa boses na maririnig sa tape ay mula sa mga ahente ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (Isafp). Dagdag ni Biazon, sa tulong ni Doble makikilala ang mga boses ng Isafp operatives na nag-annotate ng mga tape. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV