Pulis, patay matapos mabaril umano ng kaniyang ka-live in
Nauwi sa trahedya ang umano'y pagseselos ng isang pulis sa kaniyang kinakasamang babae sa Calamba, Laguna. Sa gitna nang agawan ng baril, pumutok ito at tinamaan ang pulis na kaniyang ikinamatay.
Sa ulat ng GMA news "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang nasawing biktima na si Police Chief Inspector Nicolas Maamo, nakatalaga sa Las Piñas-PNP.
Nakakulong naman at nahaharap sa kaso ang kaniyang live-in partner na si Janalyn Cabahug.
Ayon kay Cabahug, nagtalo sila ng biktima matapos na magselos ang pulis sa isang naging bisita nila.
Nauwi raw sa agawan ng baril ang kanilang pagtatalo hanggang sa pumutok ito at tinamaan ang biktima.
Hindi raw malaman ni Cabahug kung sino sa kanila ang nakakalabit ng gatilyo.
Pero ayon sa isang saksi, tinutukan daw muna ng baril ng Cabahog ang pulis bago nangyari ang agawan. -- FRJ, GMA News