Laman ng balikbayan box na ipinadala ng OFW, napalitan ng mga lumang gamit?
Sa halip na tuwa, pagkadismaya at inis ang naramdaman ng isang pamilya sa Bulacan nang makitang iba sa kanilang inaasahan ang laman ng balikbayan box na kanilang pinakahihintay.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing excited ang pamilya ng overseas Filipino worker na si Joan Villacorta nang dumating na ang ipinadala nitong balikbayan box mula sa Qatar sa kaniyang mga kaanak sa Bulacan.
Kabilang umano sa laman ng kahon na inaasahan nilang makikita ay dalawang smart watch para sa mga pamangkin, at mga pabango para sa ibang mga kaanak at kaibigan.
Pero nang buksan na ang kahon, tumabad sa kanila ang sirang bisikleta, lumang plantsa, lumang damit, LED lights at paputok.
Ang natira umano sa orihinal na mga padala, mga sapatos at damit na pambata.
Ayon kay Lenie Villacorta, bago pa man nila buksan ang kahoy ay may napansin na silang kakaiba dahil malambot ang ibabaw ng kahon at may sira.
Batay sa tracking number ng package, noong December 26 dumating sa Pulilan, Bulacan delivery hub ang kahon at Enero 2 na nang maideliver sa bahay ng pinadalhan sa San Miguel, Bulacan.
Nangangamba ngayon ang pamilya na baka maulit ang nangyari dahil may isa pang kahon silang hihintay mula rin sa Qatar.
Nitong Biyernes, nagtungo na ang pamilya sa Department of Trade and Industry para maghain ng reklamo.
Sinabing ieendorso naman ng DTI-Bulacan ang reklamo sa Fair Trade and Enforcement Bureau sa DTI-Makati para maiproseso ang reklamo.
Sinubukan naman ng GMA News na makuha ang panig ng LBC pero hindi pa sila nagbigay ng pahayag dahil iniimbestigahan pa nila ang nangyari, ayon sa tagapagsalita ng kumpanya. -- FRJ, GMA News