ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
PULSE ASIA SURVEY

74% ng Pinoy, tutol sa martial law 


Mahigit sa pito sa bawat 10 Filipino hindi sang-ayon sa pagdeklara ng martial law upang malutas ang ilang mga problema ng bansa. 

Sa survey ng Pulse Asia mula December 6 hanggang 11 noong nakaraang taon, lumabas na 74 porsyento sa 1,200 na "adult respondents" ang tutol sa martial law bilang solusyon. Sang-ayon naman ang 12% at "undecided" ang 14%. 

Itinanong sa respondents (na may dedad 18 pataas) ang mga sumusunod: “Pakisabi lamang kung kayo ay (payag o hindi) sa bawat isa sa mga pangungusap na ito. Sa tutuo lang, maaaring kailangan ngayon na magkaroon ng batas militar o martial law para malutas ang maraming krisis ng bansa."

Ayon sa Pulse Asia, ang naturang pananaw (na ayaw sa martial law) ay nanaig sa lahat ng mga lugar o geographic areas (65% -81%); socio-economic classes o kalagayan sa pamumuhay (67% -76%); age groups o antas ng edad (70% -77%); at  kasarian o kapwa lalaki at babae (73% -74% sa ganoong pagkahanay).

 

Ang pagkakaiba ng pananaw ay mas matingkad sa pagitan ng mga residente sa Metro Manila (81%) at sa mga taga-Visayas (65%), samantalang  magkahalintulad na hindi pagsang-ayon ang ipinakita ng iba pang "socio-demographic groupings."

Ang mga matutunog na isyu sa panahon ng survey ay:  Ang pagbitiw ni VP Leni Robredo sa Gabinete dahil ayaw na siyang pasamahin sa Cabinet meetings dahil sa umano'y “irreconcilable differences” sa pagitan niya at ng Pangulo; at  ang pagbawal din kay Commission on Higher Education Chairperson Patricia Licuanan sa mga meeting sa Palasyo.

Sa panahong ding iyon,  ibinasura ng Supreme Court ang pinagsamang mga petisyon laban sa pang libing kay yumaong Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani; at gayundin paglinis ng Korte Suprema sa mga pangalan ng judges na napabilang sa umano'y drug list ni Pangulong Duterte.  At ayon sa SC: “...No prima facie case has been established against the said judges.”

Gayundin, "survey period" ipinag-utos ni Duterte ang pag-aresto kay gaming tycoon na si Jack Lam sa reklamong  "bribery" at "economic sabotage," kasunod ng raid sa casino operations ng negosyante sa Clark, Pampanga. —LBG, GMA News