ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lasing na nabugbog ng pulis, na-trauma at takot nang uminom ng alak


Sa kabila ng bugbog at hampas ng paso sa ulo na inabot sa isang pulis na naka-off duty, nagpapasalamat pa rin ang lalaking biktima sa Maynila na hindi siya namatay sa naturang insidente, na nag-ugat umano dahil sa kalasingan nito.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang CCTV video na kuha ng barangay sa Santa Ana, Maynila nangyaring insidente sa biktimang si Eduardo Javar, 55-anyos, at inirereklamong pulis na off-duty na si PO1 Leo Tupas, 36-anyos.

Sa naturang video, makikita si Javar sa labas ng kalsada na tinawag, nilapitan at sinundan ang kapitbahay niyang si Tupas, na pilit na umiiwas naman sa kaniya sa simula.

May pagkakataon pa na inaakbayan at tila binulungan ni Javar ang pulis, na pinapalayo pa rin ang biktima.

Ngunit ilang saglit pa, makikitang hinatak na ng pulis sa baywang si Javar,  sinikmuraan at sinuntok na nagpabagsak sa biktima.

Sandaling umalis si Tupas pero nang bumalik ay kumuha pa ito ng paso na ibinagsak sa biktima.

Bumuhat pa ang pulis ng "hollow block" pero naawat na siya ng ilang residente, habang dinala naman sa ospital si Javar.

Masama ang loob ng mga kaanak ni Javar dahil sa ginawang pananakit ni Tupas sa biktima, na dapat umanong inunawa na lang dahil sa edad nito at wala raw noon sa sarili.

"Hindi po makatarungan, hindi po makatao yung ginawa mo kapatid ko. Hindi nyo na lang siya inaresto," hinanakit ng kapatid ng biktima.

Maghahain umano ng reklamong serious physical injury ang pamilya laban sa pulis.

Samantala, magkokontra-demanda naman si Tupas dahil nasuntok din daw siya ni Javar.

Ipinaliwanag nito na hindi niya kagustuhan ang nangyari pero nagdilim daw ang kaniyang paningin matapos siyang kulitin at pagmumurahin ni Javar.

Samantala, sinabi ni Javar na tila nagka-trauma siya sa nangyari

"Parang nagkaroon ako ng trauma, parang takot na akong uminom ngayon ng alak dahil sa nangyari sa akin... Buti hindi ako pinatay," saad ng biktima.

Ayon sa ulat, muling maghaharap ang magkabilang panig sa barangay kaugnay sa nangyaring insidente.-- FRJ, GMA News

Tags: hulicam