ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga Indian national na nagpapa-'5-6,' nais ayusin ang kanilang negosyo at manatili sa Pilipinas


Umalma ang ilang Indian national sa alegasyon na labis silang magpatubo sa kanilang negosyong pautang na tinatawag na "5-6."  Kasabay nito, inihayag nila ang kahandaang makipagtulungan sa gobyerno para maging "ligal" ang kanilang negosyo.

Sa panayam ni Mariz Umali para sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Goldy Kumar na pagpa-"5-6" na ang kaniyang ikinabubuhay mula nang manirahan siya sa Pilipinas, pitong taon na ang nakararaan.

Paliwanag sa naturang ulat, ang "5-6" ay sistema ng pagpapautang na may tubo kaagad na beinte porsyento sa singil. Halimbawa, ang inutang na P5,000, magiging P6,000 kapag siningil.

Ikinagulat daw ni Kumar at iba pa niyang kababayan na nagpapa-"5-6,"  nang ipag-utos umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaaaresto kahit walang arrest warrant o ipadedeport ang mga sangkot sa ganitong negosyo na walang lisensya o permit.

Sa Facebook post ni Agriculture Secretary Manny Piñol, na may kataga pang "goodbye, bombay," partikular na tinukoy nito ang isang pangkat ng mga Indian national na sobra raw magpatong ng interes sa "5-6."

Pero paglilinaw ng mga Indian national na nakausap ng GMA News na nagpapautang, hindi raw totoong nananaga sila ng tubo sa mga pautang.

Hindi rin daw sila naniningil ng 20 porsiyentong tubo sa loob ng isang buwan.  Anila, naniningil lang sila kung kailan lang makaluluwag o kayang magbayad ang kanilang pinautang.

Ayon kay Hardeep Singh, nagpapautang sila kahit sa mahirap at kung minsan ay umaabot pa umano ng 60 hanggang 90 araw ang kanilang paniningil at hindi lang 30 araw o isang buwan.

"Na-type cast na kami na '5-6' we can't change that," ani Singh. "Hindi kami masama, very helpful naman kami."

Hiling ni Sukhvindee Singh, bigyan sila ng panahon at  tulungan na maayos ang kanilang papel para sa kanilang negosyo.

Dagdag ni Hardeep Singh, handa silang sumunod sa gobyerno at ayaw nilang umalis sa Pilipinas.

Sa isang text message, sinabi ni Senador Ping Lacson na maganda raw habulin ang mga nagsasamantala sa pagpapatong ng malaking tubo sa mga pautang.

Pero hindi raw dapat targetin lamang ang mga Indian national dahil mayroon din umanong mga Pilipino at Chinese na sangkot sa ganitong mapang-abusong negosyo. -- FRJ, GMA News