ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bangkay ng babae na walang ulo, nakita sa kalye


Isang bangkay ng babae na tinatayang nasa 20-taong-gulang pataas ang natagpuan sa gilid ng kalsada sa Santa Maria, Bulacan na walang ulo at may posibilidad pa na ginahasa umano ang biktima.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nakasuot ng kulay itim na long sleeves at asul na leggings ang biktima nang matagpuan na nakahandusay sa gilid ng kalsada ng barangay Casyio sa bayan ng Sta. Maria dakong 11:00 p.m. nitong Huwebes.

May nakita umanong mga pasa sa braso at binti ang biktima na palatandaan na hinawakan ito nang mahigpit ng salarin.

Nang dalhin sa morgue ang bangkay at alisin ang damit, doon na nakita ang indikasyon na posibleng ginahasa ang babae na tinatayang nasa 4-11" hanggang 5-1" ang taas.

Nakita ang bangkay na hindi umano kalayuan sa isang slaughter house o katayan sa lugar.

Patuloy pang hinahanap ang ulo ng biktima na wala pa ring pagkakakilanlan.

Dinala ang labi ng babae sa Superior Funeral Services habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad. -- FRJ, GMA News