Bishop Soc nagpaliwanag sa pagsundo kay Doble sa seminaryo
Sinabi ni Bishop Socrates "Soc" Villegas ng Balanga, Bataan na ipinasundo siya ni Remedios "Medy" Poblador sa helicopter ng militar upang makarating agad sa San Carlos Seminary sa Guadalupe, Makati City noong July 2005 upang ilabas sa seminaryo sina dating Samuel Ong at dating intelligence agent Vidal Doble. Sa sulat na ipinadala sa Senado, ipinaliwanag ng obispo ang papel na kanyang ginampanan sa naging problema sa seminaryo na pansamantalang pinagkublihan nina Ong at Doble kung saan ibinulgar ni Ong na hawak niya ang "mother of all tapes" na ang tinutukoy ay ang "Hello, Garci" wiretapped conversation ng dalawang tao na pinaniniwalaang sina Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at dating Commission on Elections Commissioner Virgilio Garcillano. Ayon kay Villegas, kilala niya si Poblador bilang assistant ni dating Pangulong Corazon Aquino. Nalaman lamang niya na nagtatrabaho na ito kay Pangulong Arroyo nang tawagan siya sa telepono tungkol sa nakaambang pagsalakay ng militar sa San Carlos Seminary habang nagkukubli doon sina Ong at Doble. Si Doble diumano ang susi sa ginawang paniniktik ng militar sa ilang prominenteng personalidad sa pulitika noong 2004 presidential elections. Inimbitahan si Bishop Villegas ng tatlong komite sa Senado na nagbukas ng panibagong imbestigasyon nitong Biyernes sa "Hello, Garci" wiretapping upang linawin kung bakit niya sinundo si Doble sa seminaryo papunta sa bahay ni dating Armed Forces chief Efren Abu sa Camp Aguinaldo, at gamit pa niya ang sasakyan ng heneral. Nagpaumanhin siya sa mga senador na hindi siya makadadalo sa pagdinig sa "Hello, Garci" wiretapping dahil sa pagtupad ng kanyang katungkulan sa kanyang parokya. Si Bishop Villegas ay dating kanang-kamay ng yumaong si Jaime Cardinal Sin. Ayon kay Villegas, nakatanggap siya ng tawag tungkol sa pangyayari sa seminaryo bago pa man siya tinawagan ni Poblador. "That same morning I also received another call on my mobile phone from Medy Poblador whom I knew as one of the assistants of former President Corazon Aquino; later on I realized that she was no longer an assistant of the former President but had become a staff of President Arroyo," saad ni Villegas sa sulat. Binalaan diumano ni Poblador si Villegas ukol sa pagsugod ng militar sa San Carlos Seminary (SCS) sakaling hindi humupa ang tensyon sa lugar. Noong panahong iyon, katatapos lamang magsalita si Ong na nasa kanya ang âmother of all tapes." Nagdaos ng press conference si Ong sa isang hotel sa Makati at tumuloy sa seminaryo kung saan nauna nang dinala si Doble at kasintahan nitong si Marietta Santos. "She (Poblador) asked me if I was aware of the ongoing crisis inside the SCS compound. I said yes as I expressed concern for our seminarians inside the compound whose priestly discipline of study, prayer and silence was being disturbed by the presence of Attorney Ong and Mr Doble," ayon kay Villegas. "She (Poblador) said there were plans to use military force to get Attorney Ong and Mr Doble out of the seminary. I raised alarm about endangering the lives of our seminarians. Medy asked if I was willing to help. I said of course, for our seminarians I will do everything," dagdag ng obispo. Nang sabihin ni Villegas na aabutin pa ng dalawa-at-kalahating oras bago siya makarating sa Maynila mula sa Bataan, nag-alok diumano si Poblador na ipasusundo siya ng helicopter dahil baka hindi na siya umabot sa deadline ng militar bago pasukin ang seminaryo. "She then offered that I be fetched by helicopter from Balanga City. Reluctantly, because I knew the condition of most military helicopters, I agreed. My seminarians' welfare was foremost to me," sinabi ni Villegas. Mula sa kampo ng PNP sa Balanga, isinakay ang obispo sa helicopter na lumapag sa Camp Aguinaldo. Inimbitahan pa siya diumano na magtanghalian subalit tinangginan niya ang alok. Sa pagdinig ng Senado, binanggit din ni Doble si Poblador na lumapit sa kanyang asawang si Arlene habang nasa Camp Aguinaldo at inalok ito ng tulong sa kundisyon na hindi tetestigo ang intelligence agent sa imbestigasyon tungkol sa wiretapping operations ng Intelligence Services of the Armed Forces (Isapf). Kinilala ni Sen. Panfilo Lacson si Poblador bilang Presidential Legislative Liaison Office na may ranggong undersecretary subalit nakatala siya bilang assistant secretary sa "private offices" ng Malacañang na nasa website ng Office of the President. Sa paglalahad ni Villegas sa sulat, sina Navy Vice Admiral Tirso Danga at military vice chief of staff Edilberto Adan ang nagbigay sa kanya ng ulat tungkol sa mga nangyayari sa seminaryo noong dumating siya sa Camp Aguinaldo. Si Danga ang pinuno ng Isapf nang mga panahong iyon. "After the brief orientation I took a black van offered by Commodore Tirso Danga and went to San Carlos Seminary alone with the driver," sabi ni Villegas. Matapos ang pag-uusap sa kampo, tinawagan ni Villegas si Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales sa kanyang cellphone upang humingi ng permiso. "He (Rosales) assured me of his blessings and admonished me to exhaust all means to avoid violence," ayon sa kanya. Pagdating sa San Carlos, nagtungo sa visitorâs reception area si Villegas kung saan nag-iisa noon si Doble. Nagpakilala ang obispo kay Doble at nakipag-usap sa asawa nito sa cellphone. "After talking, he said he was ready to go with me. I brought him to the seminary chapel to pray ... Bishop Cortez and some priests came to send him off," sabi ni Villegas. Umalis sina Villegas sa Aguinaldo bandang 1:35 ng hapon at dinala sa isang kwarto sa AFP Officers Club kung saan naghihintay ang asawa at anak ni Doble. "Having brought Mr Doble back to his family I left the room out of reverence for the intimacy of the moment. Some of the officers expressed thanks to me but I told them I really did it for our seminarians not for anyone in government," ayon sa kanya. "I wish to state categorically that I did what I did because of my love and concern for our distressed and confused seminarians whose building was trespassed and whose seminary rhythm and priestly discipline was disturbed ... I did it as a bishop whose main duty is to be a father to his priests and future priests," paliwanag ni Villegas. "If there was indeed to be military operation in the seminary to bring out Mr Doble and Attorney Ong that day I wanted to be with our seminarians and priests at that moment of crisis to assure them, to console them, and tell them I was ready to die with them," ayon kay Villegas. Tanging si Doble lamang ang iginisa ng Senado sa naturang pagdinig kung saan ibinunyag nito na kinausap din siya ni Poblador. Sa testimonya ni Doble, sinabi niyang sinundo siya ni Bishop Villegas papuntang Camp Aguinaldo. Tinanong diumano ng obispo kung nais niyang makita ang kanyang asawang si Arlene at dalawang anak nito na sina Darren at Danica. Nang pumayag si Doble, pinasakay siya sa isang black van na nasa pangangalaga ng opisina ni Danga. Madalas diumanong nakikita ni Doble ang van sa loob ng Camp Aguinaldo at namukaan pa ang drayber nito. "I saw (Danga's) uniform inside the van," ayon kay Doble. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV