Hanging bridge na ipinalit sa nag-viral na tulay na lubid, malapit nang matapos
Dalawang buwan matapos mag-viral ang larawan at video ng dalawang batang estudyante na "buwis-buhay" na tumatawid sa ilog sa Iligan City gamit ang lubid para makapasok sa paaralan, ipinaalam ni Public Works and Highway (DPWH) Secretary Mark Villar na malapit nang matapos ang hanging bridge na ipapalit sa naturang "tulay" na lubid.
Sa Facebook post ni Villar nitong Biyernes, ipinakita ang larawan kaugnay sa ginagawang hanging bridge sa barangay Lanipao sa nabanggit na lungsod.
"Last December, we watched a video posted on Facebook by Yasmin Mangorsi which shows a young boy and his sister struggling to cross a river using a tight rope bridge in Barangay Lanipao, Iligan. Happy to report that the bridge is almost complete," saad sa caption ng larawan.
Noong nakaraang Disyembre rin tinalakay sa GMA News TV's program na "Reel Time" ang peligrosong pagtawid ng mga estudyante sa ilog sa Sitio G'tum araw-araw para makapag-aral.
Pero bago pa man nito, kumalat na sa social media noong nakaraang Nobyembre ang larawan dalawang batang mag-aaral na mariin ang pagkakapit sa lubid na ginawang tulay para makarating sa kabilang bahagi ng ilog patungo sa eskwelahan.
Nangako noon ang ilang opisyal na gagawa ng paraan para matugunan ang naturang sitwasyon ng mga residente sa lugar.
READ: Mga batang mag-aaral, buwis-buhay makapasok lang sa paaralan
Sa Facebook post naman ng isang Sass Rogando Sasot, makikita ang iba pang larawan kaugnay sa ginagawang hanging bridge na malapit nang matapos.
-- FRJ, GMA News