Ilang bilanggo sa Makati City Jail at kanilang kaanak, binigyan ng skills training ng TESDA
Inilunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) nitong Miyerkules ang libreng skills training sa mga bilanggo sa Makati City Jail at sa kanilang mga kaanak.
Sa isang pahayag, sinabing isinagawa ang pagsasanay kasabay ng paglulunsad ng “Integration Through Skills Development Project for Inmates and Families” nitong Miyerkules sa buong bansa.
Ayon kay TESDA Director General Guiling Mamondiong, isinama sa programa ang mga kaanak ng mga bilanggo at pati na ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Paliwanag ng opisyal, isinama ang pamilya ng mga bilanggo na mabigyan ng libreng skills training upang magkaroon sila ng paraan ng pagkukunan ng ikabubuhay habang nakapiit ang kanilang mahal sa buhay.
Sa paglulunsad ng naturang programa, umabot umano sa 140 bilanggo sa Makati City Jail ang nagpatala upang makakuha ng skills training. Samantala, 20 bilanggo naman ang nabigyan ng National Certificates (NC II), matapos nakapasa sa isinagawang assessment sa napili nilang kasanayan.
Ayon kay TESD Operation, Deputy Director General Alvin Feliciano, kabilang sa mga kurso sa programa para sa mga bilanggong lalaki ang Bread and Pastry Production NC II, Barista NC II, Electrical Installation and Maintenance NC II at Heo-Forklift Operation.
Samantala, kursong Cookery NC II, Beauty Care NC II, Hilot NC II at Hairdressing NC II naman ang maaaring kunin ng mga babaeng inmate.
Matatandaan na nagkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) ang TESDA at ang BJMP noong December 6, 2016 para sa naturang programa para sa mga bilanggo sa buong bansa.
Nitong Martes, nakipagkasundo rin ang TESDA sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) para sa programa na lalo pang hahasa sa kasanayan ng mga manggagawa. (READ: TESDA, PCCI are raising the bar for skilled workers).-- FRJ, GMA News