Pinay sa Kuwait na nahatulan ng kamatayan, nabitay na —DFA
Binitay nitong Miyerkules ng umaga si Jakatia Pawa, isang Pinay domestic helper sa Kuwait na nasentensyahan noong 2010 ng kamatayan dahil salang pagpatay, ayon sa Department of Foreign Affairs.
"It is with sadness that we announced the execution of Jakatia Pawa," pahayag ni DFA spokesman Charles Jose sa isang press conference.
"We extend our sincere condolences to [her] family," dagdag niya.
Binitay si Pawa dakong 10:19 ng umaga. Siya ang kauna-unahang Filipina na nabitay sa ibang bansa nitong mga nakalipas na mga taon, ayon kay Jose.
Si Pawa, 42-anyos, ay nasentensyahan ng kamatayan noong 2010 sa salang pagpatay sa 22-anyos na anak na babae ng kanyang amo noong May 2007.
Tubong Zamboanga del Norte si Pawa at may mga anak edad 16 at 18 na naiwan sa Filipinas.
Siya ay nagtapos ng bachelor's degree in banking and finance mula sa Arturo Eustaquio Colleges ng Zamboanga City, na ngayon ay tinatawag nang Universidad de Zamboanga.
Sa mga pagdinig sa kanyang kaso, pinabulaanan ni Pawa ang akusasyong siya ang pumatay sa anak ng kanyang amo. Aniya, wala siyang motibo para sa krimen.
Dagdag niya, malakas ang motibo ng mga miyembro ng pamilya ng biktima na patayin siya dahil sa umano'y illicit love affair nito sa kanilang kapit-bahay.
Nagsimulang magtrabaho si Pawa sa Kuwait noong 2002, batay sa kanyang employment record.
Samantala, sinabi ni Jose na ginawa ng pamahalaan ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang lahat na makakaya upang mabigyan ng tanazul o affidavit of forgiveness si Pawa, kapalit ang blood money. Pero nabigo ito.
Dagdag ni Jose, nag-hire ang pamahalaan ng abugado na tumulong kay Pawa sa lahat ng antas ng court proceedings, pero hinatulan din siya ng kamatayan.
"She will be buried in Kuwait," pahayag ni Jose, ayon na rin umano sa tradisyon ng paglilibing sa naturang bansa. —LBG, GMA News