Mga labi ng binitay na OFW, sa Kuwait na lamang ililibing
Nagpasya ang pamilya ng binitay noong Miyerkules na OFW na si Jakatia Pawa na sa Kuwait na lamang ipalibing ang kanyang bangkay.
"Nagdesisyon na rin kaming lahat na magkakapatid kasi sa batas ng Muslim, sa Islam, within 24 hours dapat mailibing siya. Pagka-iuuwi pa namin ng Pilipinas, baka pagdating dito sa amin sa Zamboanga, wala na 'yung kapatid namin. Baka mangangamoy na 'yun," pahayag ng kapatid na si Col. Angaris Pawa nitong Huwebes sa Unan Balita.
"Actually, everytime 'pag ano, 'pag kausap ko 'yung kapatid ko, dun lang ako kumukuha ng information sa kapatid ko, kung ano ng development ng kaso mo.
"Last time na pumunta ako ng Kuwait kasama ko ang dalawang anak niya. Maganda sana 'yung outcome, kasi maganda 'yung assurance na ibinigay ng abugado niya, si Attorney Faucia Al Sabah. Kamag-anak mismo ng President ng Kuwait. 'Yung sabi by next year 2017, 'Pagbalik mo dala mo na 'yung kapatid mo.' 'Yan ang sabi, makalabas na. 'Yun pala kabaligtaran po ng pangyayari," giit ni Col. Pawa.
Nahatulan si Jakatia ng kamatayan noong 2010 sa kasong pagpatay noong 2007 sa 22-anyos na dalaga na anak ng kanyang amo.
Pero sabi niya sa kanyang kapatid bago siya mabitay na wala siyang motibo para patayin ang biktima at ang kaamag-anak ng dalaga ang may sapat na motibo para isagawa ang krimen.
"Nanay talaga ng biktima ang pumatay doon," ayon kay Col. Pawa batay na rin umano sa salaysay ni Jakatia.
Ipinahayag naman ng pamahalaan ng Pilipinas na ginawa nila ang lahat na makakaya upang manalo sa kaso ni Jakatia.
Pinatotohanan naman ito ni Col. Pawa.
"Hindi naman nagkulang 'yung gobyerno natin. Katulad ng administration, talagang tinutukan naman 'yung kaso ng kapatid ko. Kaso lang 'yung parents ng victim, nagmamatigas talaga sila. Ayaw makipag-negotiate. Kasi meron namang nakalaad na blood-money doon," pahayag ni Co. Pawa.
Samanala, sinabi ni Department of Foreign Affairs spokesperson Charles Jose na ang pamilya ng biktima ng krimen ay ayaw magbigay ng tanazul o letter of forgiveness upang makapagbayad sana ng blood money para hindi maituloy ang bitay. —LBG, GMA News