May-ari ng van na nag-iwan sa babaeng nagsayaw nang walang saplot sa kalye, natukoy na
Sa isang barangay sa Taguig City natunton ang puting van na may pulang plaka na nag-iwan sa isang babae na hinihinalang lango sa droga sa C-6 sa Taytay, Rizal, na kinalaunan ay nagsayaw nang walang saplot sa katawan sa gitna ng kalsada.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing natunton ng mga awtoridad ang van na plakang SKR-871 sa parking lot ng barangay Ibayo-Tipas, sa Taguig City.
BASAHIN: Babaeng hinihinalang lango sa droga, iniwan sa bangketa ng 4 lalaking sakay ng van
Paliwanag ng kinatawan sa mga imbestigador mula sa Taytay police, ibinaba nila at iniwan sa gilid ng kalsada ang babae na hindi pa tukoy ang pangalan dahil sa nagwawala na umano ito.
"Sabi niya taga-Taytay daw siya, nagpasya po kami na dalhin siya sa Taytay. Eh malakas po talaga, nagwala po siya nang nagwala. 'Iyon nakagat pa po yung kasama namin," ayon kay kagawad Anthony Santos.
Sinabi naman ng isa pang opisyal sa barangay na sinubukan nilang dalhin ang babae sa Department of Social Welfare and Development pero tinanggihan daw ito.
Bagaman aminado ang mga taga-barangay na nagkaroon sila ng pagkukulang, iginiit nila na wala silang masamang intensyon sa babae pero sadya raw na nagwawala ito.
Ipinakita rin nila ang CCTV footage ng barangay ang pagbihis nila sa babae na nakita raw na hubo't hubad na naglalakad sa kanilang lugar noong Sabado.
Makikita rin sa footage na nagwawala na ang naturang babae.
Aminado rin ang kapitan ng barangay na kailangan na magkaroon ng pagsasanay ang kaniyang mga kasamahan sa pagtugon sa katulad na sitwasyon.
Sinabi naman ng Taytay police na patuloy pa rin silang magsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa nangyari sa babae.
Itinanggi naman ng DSWD na tinanggihan nila ang babae at sa halip ay inirekomenda raw nila na dahil ito sa Department of Heath para mas mabigyan ng sapat atensyong medikal dahil sa kondisyon ng pag-iisip.
Nang makita ang babae na nagsasayaw sa gitna ng kalsada sa Taytay, hinihinala ng mga tumulong na lango ito sa droga at baka hinalay.
Dinala ang babae sa mental health institution at isinailalim sa medico legal. -- FRJ, GMA News