ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang pulis na 'sinabon' ni Duterte sa Palasyo, masama ang loob


Dismayado ang ilang pulis na ipinarada at sinermonan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang nitong Martes. Hindi umano nila inaasahan na hihiyain sila sa harap ng mga mamamahayag at ng kanilang pamilya.


"Ang masakit lang po yung ganito, yung ihaharap kami nang ganito, napakapanget," litanya ng isang pulis na hindi pinangalanan sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.

Sa utos ni Duterte, pinaghanda ang mga umano'y pasaway na pulis na madestino sa Basilan o magbitiw na lang sa kanilang trabaho.

Ang mga ipinatawag pero hindi sumipot sa Malacañang, patuloy na mananagot umano sa pamunuan ng PNP.

"There will be another admin case against them," ayon kay Sr. Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP.

"Their absence, if it will continue, (they) will be AWOL and if it continues for the 11 days, iisyuhan sila ng notice na bumalik, at kung magpapatuloy ng 30 days, they will be dropped," dagdag niya.

Ang isa pang pulis na kasamang nasermonan ni Duterte, nagsabing tulong ang inaasahan nila sa kanilang organisasyon sa pagtupad nila sa trabaho.

"Akala namin, itong organisasyon namin ay tutulungan kami pero ito ngayon napapahiya kami pati pamilya namin," hinanakit nito.

Nauunawaan naman daw ng liderato ng PNP ang sintemyento ng ilan nilang tauhan.

Aminado si Carlos na magkakaiba ang kinakaharap na reklamo at kaso ng mga pulis na dinala sa Malacañang.

"We understand yung sentiment nung ating mga kasamahang pulis kasi iba-iba talaga ho yung level ng kanilang nakasangkutan," ani Carlos.

"Ipina-review yung mga individual cases na 'to so we can look at sino ba yung habitual, recidivist, at sino ho yung nagkamali lang at nais tumayo, nais magbago," dagdag niya.

Nilinaw naman niya na kasama sa kanilang trabaho ang paglilipat sa mga pulis at hindi ito paraan ng parusa.

"Hindi po kasi ito parusa. It's an ongoing activity or program in the Philippine National Police," saad niya. "We are regularly being transferred." -- FRJ, GMA News