ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking nanghipo umano sa dalaga sa jeep, ginulpi ng nag-aabang na ama ng biktima


Gulpi ang inabot ng isang lalaki dahil sa panghihipo umano sa isang dalagang kapwa niya pasahero sa jeep sa Mangaldan, Pangasinan. Ang hindi alam ng suspek, tumawag ang biktima sa ama nitong barangay kagawad at nag-abang na sa barangay hall kung saan tumigil ang kanilang jeep.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing nanginginig sa galit na ikinuwento ni Armando Alcantara ang ginawa umanong pambabastos ni Romulo Landingin, sa kaniyang 18-anyos na anak.

Sumakay umano sa jeep ang kaniyang anak at sumakay din si Landingin, at tumabi sa biktima. Hindi nagtagal, hinawakan na raw ng suspek ang maselang bahagi ng katawan ng dalaga.

Umiiyak umanong tumawak ang biktima sa ama na isang barangay kagawad at nag-abang na sa pagdating ng jeep.

Batid umano ng driver ng jeep ang nangyari kaya itinigil nito ang sasakyan at ibinaba ang suspek sa tapat ng barangay hall na kinaroonan ng ama ng biktima.

Aminado naman ang suspek sa kasalanan na nagawa lang daw niya dahil sa kalasingan.

Pero ayon sa pulisya, ilang beses nang inireklamo ang lalaki para sa parehong insidente.

Sinampahan siya ng reklamong acts of lasciviousness ng biktima. -- FRJ, GMA News

Tags: abuse