ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
AYON SA PALASYO:

Bansag ni Saguisag kay Duterte na ‘new Macoy,’ hindi nararapat 


Pumiyok ang Malacañang nang tawaging "new Macoy" ni dating senador Rene Saguisag si Pangulong Duterte, at sinabing ang bansag ay "uncalled for."

Sa panayam ng "Unang Balita" kay Saguisag nitong Huwebes, binansagan ng dating sendaor si Duterte na "new Macoy" bilang paghahabing sa Pangulo sa dating diktador na si Ferdinand Marcos.

"I think the comparison is too broad and uncalled for," pahayag ni presidential spokesperson Ernesto Abella bilang reaksyon sa komento ni Saguisag.

Halatang nainis si Saguisag sa nauanang pahayag ng Malacañang na gawing simple at isasagawa na lamang sa loob ng Camp Aguginaldo ang paggunita sa ika-31 na aniversaryo ng 1986 EDSA People Power uprising, na nagpatalsik kay Marcos.

Naging malaking bahagi si Saguisag sa pakikibaka ng mga mamamayan noon laban sa diktadurya, na kalauna'y humantong sa EDSA 1 people's uprising. 

"To me, as one who played a role... nakalulungkot dahil that was one bright shining moment na we shocked and awed the whole world," pahayag ni Saguisag. "Bakit ganun, babalewalain? Pero karapatan nila 'yon dahil itong si Digong (Duterte), bagong Macoy ito eh."

Ngunit, para kay Abella, kanya-kayang style ang paggunita sa tagumpay na iyon.

"[It's] a matter of different strokes for different folks," aniya.

"I don't know if you call it downgrading. It simply is a different style," giit niya.

"Senator Saguisag has emotional ties to these things. We are not downgrading that. I am just saying that he also feels strongly and perhaps he wants it to be some more grandiose way," dagdag ni Abella.

Nakagawian na ng ilang mga Filipino na sa People Power Monument at EDSA Shrine ang sentro ng mga aktibidad sa paggunita ng mapayapang pag-aklas ng sambayanan upang itaboy ang diktador.

Sa taong ito, ayon sa pasya ng Malacañang, sa Camp Aguinaldo na lamang gagawin ang commemmoration rites.

Muling sinabi ni Abella na hindi dadalo si Pangulong Duterte sa naturang okasyon.

Pero may pahabol siya: "But I think he has some sort of a surprise." —LBG, GMA News