ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

10-anyos na nahulog sa Pasig River, hindi pa rin nahahanap


Pinaghahanap pa rin ang 10-anyos na babae na nahulog sa Ilog Pasig noong Miyerkules, ayon sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes.

Naglalaro umano si Jesselle Vien Pilande at kanyang mga kaibigan sa may gilid ng ilog sa may Barangay Poblacion, Makati City noong Miyerkules ng hapon nang bigla itong mahulog sa tubig, ayon sa ulat ni Vonne Aquino ng GMA News.

Sinabi ng mga kalaro na nakaupo lamang si Jesselle sa pinakamababang bahagi ng dike nang bigla itong mawalan ng balanse at tuloyang nahulog.

Agad umanong tumawag ng saklolo ang mga kalaro ng bata sa kanilang mga magulang, ngunit nang bumalik sila sa lugar, hindi na nila makita si Jesselle. 

Naglunsad ng search and rescue operation ang mga opisyales ng Barangay Poblacion, kasama ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at ng Metropolitan Manila Development Authority. Ngunit hanggang noong Miyerkules ng gabi, hindi pa rin makita ang bata.

Ihininto ang search and rescue operation Miyerkules ng hating-gabi at ipinagpatuloy ito dakong alas-5 ng umaga nitong Huwebes. Pero bigo pa rin ang mga awtoridad.

Nahirapan umano sila sa search operation dahil madilim na sa lugar ng insidente at malakas din umano ang agos ng ilog.

Sinisisi namanni Ruth Nazario, ina ng bata, ang sarili dahil hindi niya mabantayan ng mabuti ang kanyang anak, at ayon sa kanya, nasa trabaho siya sa mga oras na iyon.

Single mother si Nazario at may dalawang anak. Nagtatrabaho siya bilang isang maintenance staff sa isang paaralan sa Makati.

Umaasa na lamang siya na matagpuan pang buhay si Jesselle.

Nakiusap din siya sa mga awtoridad na lagyan ng harang ang dike malapit sa Barangay Poblacion upang hindi na maulit ang insidente.  —May kasamang ulat ni Marlly Rome C. Bondoc/LBG, GMA News