Ina, pinatay umano sa sakal ang 3 niyang batang anak
Patay ang tatlong batang magkakapatid—kabilang ang tatlong-buwang-gulang na sanggol— sa Burgos, Isabela matapos umanong sakalin ng sarili nilang ina.
Sa ulat ng GMA News TV's "QRT" nitong Biyernes, sinabing nahaharap sa kasong multiple parricide ang ina dahil sa pagpatay umano sa kaniyang mga anak na may edad na tatlo, dalawa, at tatlong-buwang-gulang.
Nalaman ang malagim na krimen nang makatakas ang isa pa niyang anak na pitong-taong-gulang na siyang humingi ng tulong sa kaniyang lolo at lola.
Ayon umano sa bayaw ng suspek, napansin niya na kakaiba ang ikinikilos nito at sinasaktan ang mga anak ilang araw bago maganap ang karumal-dumal na krimen.
Pinaniniwalaan na dumaranas ng matinding depresyon ang ginang.
Pero paliwanag ng suspek, may masamang espiritu na sumanib sa kaniya kaya nagawa ang karumal-dumal na krimen.
Nakatakdang umuwi mula sa ibang bansa ang kaniyang asawa na isang seaman. -- FRJ, GMA News