Pulis, suspek sa pagpatay sa lolo na nakita ang nakaposas na bangkay sa bangketa
Hustisya ang hiling ng pamilya ng isang lolo na nakita ang bangkay sa gilid ng Manila North Cemetery na nakaposas. Ang itinuturong suspek, isang pulis sa Quezon City na dati na umanong may kinakaharap na mga reklamo.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing Linggo ng gabi nang matagpuan sa gilid ng sementeryo ang bangkay ng biktima na may tama ng bala at nakaposas.
Walang pagkakakilanlan noon ang biktima hanggang sa matunton ito ng mga kaanak at kilalanin bilang si Julito Ramos, 68-anyos.
Kung kadalasan ay may police record ang mga nakikitang bangkay sa kalsada, si Ramos, wala umanong masamang record sa komunidad, walang bisyo, at tagahatid at sundo lang ng mga apo sa paaralan.
Kaya naman labis ang sama ng loob ng mga kaanak ng biktima kung bakit pinatay ang matanda nang walang kalaban-laban.
Ayon sa mga kaanak, nagpaalam noong Linggo ang biktima na pupunta sa Talipapa, Quezon City kasama ang isang kamag-anak.
Nang hindi nakauwi ang biktima, nag-alala na raw ang pamilya.
Nalaman din nila sa kasama ni Ramos na may nakaalitan itong pulis sa tapat ng isang bakery malapit sa Quirino Highway.
Kinilala ng ilang saksi ang pulis na si PO1 Jerald Yabot Paguinto, na madalas umano sa isang kalapit na beerhouse.
Ayon pa sa kanila, sinaktan umano ng pulis si Ramos, pinukpok ng baril sa ulo, pinosasan at isinakay sa motorsiklo.
Kasunod nito ay nakita na lang ang kaniyang bangkay sa gilid ng sementeryo.
Sa pag-imbestiga ng mga kaanak ni Ramos, nalaman nila na nakatalaga si Paguinto sa QCPD Station 3 sa Talipapa, at mayroon na umanong mga nakaraang kaso ng pagnanakaw at pagpatay.
Pinuntahan ng mga pulis si Paguinto sa bahay nito pero hindi siya nakita.
Samantala, pinuntahan din ng GMA News ang Station 3 pero hindi raw ito naka-duty nang sandaling iyon.
Nangangamba naman ang kaanak ni Ramos dahil pulis ang sangkot sa pagpatay sa biktima kaya humihingi sila ng tulong upang makamit nila ang hustisya. -- FRJ, GMA News