Babae, nasawi nang mahulog mula sa hagdan ng footbridge sa Pasay
Kamakailan lamang, isang babae ang namatay nang mahulog sa isang footbridge sa Pasay City, kung saan sinasabing kulang-kulang ang mga rehas dahil sa hinihinalang pagnanakaw.
Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa “Balitanghali” nitong Lunes, kinilala ng mga pulis ang biktima bilang si Lea Salajay, na kasama ang nobyong si Edgar Boldios nang mangyari ang aksidente sa EDSA-Taft northbound noong March 5.
Base sa salaysay mula sa mga saksi, paakyat ng hagdan ang magkasintahan nang sandali silang tumigil upang makabili ng sigarilyo si Boldios.
“Akala niya, may hawakan 'yung hahawakan niya. Na-out of balance siya. Nahulog na siya, padapa,” ayon kay Emily Pareja, isa sa mga tinderang nakasaksi sa aksidente.
Idineklarang dead-on-arrival ang biktima nang isugod ito sa Pasay General Hospital.
Ilang araw matapos ang insidente, kapansin-pansin na napalitan na ang tatlong rehas na nawawala bago mahulog si Salajay mula sa footbridge.
Pahayag ng isa pang saksi na si Chona Camama, “Itong bakal na ito, kalalagay lang ng MMDA kasi may namatay ngang babae, pero ilang taon na 'yang wala kasi kinakalakal. Matagal nang wala 'yung tatlong rehas na 'yan.”
Labag sa batas ang pasira ng anomang pag-aari ng estado. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin malinaw kung paano nasira ang mga rehas sa footbridge at kung sino ang kumuha ng mga ito.
Giit ng Metro Manila Development Authority (MMDA), nagkakaroon sila ng regular check-ups sa imprastructura, at agad ring sinasabi ng kanilang enforcers ang anomang anomalya upang agad itong masolusyonan.
“Base sa report ng tech natin sa Traffic Discipline Office, mayroon pang railings bago mangyari 'yung insidente na 'yun... Noong mangyari 'yung insidente, fresh lang na nanakaw ang railings ng overpass na 'yun,” ayon kay MMDA spokesperson Celine Paliago.
Nagpaabot ng dispensa ang mga bumubuo ng MMDA sa biktima at sa pamilya nito. — Bianca Rose Dabu/RSJ, GMA News