ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
DAGDAG KITA

Dagdag na 'PERA' para sa lahat ng kawani ng gobyerno, hinirit sa Senado


Mula sa kasalukuyang P2,000, isinusulong ngayon sa Senado na itaas sa P3,000 ang buwanang PERA o  Personnel Economic Relief Allowance ng mga kawani ng gobyerno, regular man hindi.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, na isinumite na sa plenaryo para pagdebatihan ang Committee Report No. 39, na naglalaman ng Senate Bill 807 para sa dagdag na PERA.

Sa ilalim ng panukala, dadagdagan ang PERA ng mga civilian government at military personnel, pati na ang mga kawani sa lokal na pamahalaan, maging regular man na kawani, contractual, o casual positions.

Giit ni Recto, panahon na para itaas ang PERA dahil walong taon na ang nakalilipas mula nang aprubahan ng Kongreso ang Joint Resolution No. 4 para pagsamahin ang P1,500-Additional Compensation at P500-PERA.

"In the eight years that PERA has been nailed at P2,000, rice prices have soared by 21.8 percent, and the peso had lost 26.7 percent of its value to inflation," anang senador.

"Admittedly, the P1,000 increase will not allow government workers to get rich, not even to fully get by. But if reckoned annually, the P12,000 increase will help pay certain bills, like a semester's tuition in an SUC, or six sacks of rice, or for a small family, probably a year's water bills plus cable TV subscription," dagdag niya.

Gayunman, aminado si Recto na malaking pondo ang kakailanganin ng gobyerno para maipatupad ang dagdag na PERA, na maaari umanong kunin sa P1 trillion pondo na nakalaan sa Personal Services ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, umaabot umano sa P33 bilyon ang ginugugol ng pamahalaan para sa P2,000 na PERA, at kakailanganin ng dagdag na P16.5 bilyong kapag dinagdagan ito ng P1,000. -- FRJ, GMA News

Tags: wagehike, pera