Mga higanteng taklobo na hinihinalang may perlas, nasabat
Nasabat ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa entrapment operation sa Maynila ang mga endangered na taklobo na may nakadikit pang mga hinihinalang perlas.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing may haba na halos isang metro ang lapad ng mga taklobo na tinangkang ibenta sa halagang P100 milyon.
Nakumpiska ang apat na hinihinalang giant pearls at mga taklobo sa isang entrapment operation na isinagawa nitong Lunes sa Ermita, Maynila.
Nadakip sa naturang operasyon ang 10 suspek, habang isa pa ang pinaghahanap.
Itinuturing na endangered species ang mga taklobo kaya labag sa batas ang possession at pagbebenta ng mga ito.
Sinampahan na ng reklamong paglabag sa Philippine Fisheries Code ang mga suspek, at maaaring madagdag sila ng kasong swindling kapag lumitaw sa pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na peke o idinikit lang ang mga tila higanteng perlas. -- FRJ, GMA News