VP ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, brutal na pinatay sa kaniyang bahay
May nakapolupot na kumot at tadtad ng saksak nang matagpuan sa loob ng kaniyang bahay nitong Miyerkules ng umaga ang vice president ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina. Ang suspek sa krimen, ang lalaki na huli raw nitong kasama sa kuwarto bago nadiskubre ang karumal-dumal na krimen.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules ng gabi, sinabing nakita ng katiwala ng bahay na nakahandusay sa kama, duguan at may makapalupot na kumot sa leeg ang biktimang si Alfredo Dimaano, 36-anyos, propesor at VP ng PLM.
Ayon sa caretaker na si Glen Palasan, dakong 11:00 p.m. nitong Martes nang dumating sa bahay ang umano'y bisitang lalaki ng biktima.
Dagdag ni Palasan, madalas daw na may bisitang lalaki si Dimaano sa bahay kaya pinaalalahanan nito ang biktima na mag-ingat at huwag basta matitiwala.
"Sa isang linggo may pumupunta sa kaniya isa, dalawa, tatlo, apat na lalaki, paiba-iba 'yon. Sabi ko nga sa kaniya, 'Kuya, sure ka ba na yung mga tao na ano mo... ako nag-a-advice lang sa'yo," pahayag niya.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan at sa leeg ang biktima.
Kabilang umano sa mga anggulo na tinitingnan ng pulisya sa krimen ay pagnanakaw, may nakaaway, at maging love angle.
Ayon sa mga nakakakilala sa biktima, mabait ito at wala silang alam na nakaaway.
Isinasagawa pa ang facial composite ng suspek batay sa paglalarawan ni Palasan.
Pero maging si Palasan, tinuturing din ng pulisya na "person of interest" dahil siya ang kasama ng biktima sa bahay nang mangyari ang krimen. -- FRJ, GMA News