Impeachment complaint vs. Robredo, pinag-aaralan ng kaalyado ni Duterte
Makaraang sampahan ng impeachment complaint si Pangulong Rodrigo Duterte, inihayag naman ng kaalyado nito na si Speaker Pantaleon Alvarez, na pinag-aaralan din niyang ipa-impeach si Vice President Leni Robredo.
"I'm still studying it," saad ni Alvarez sa text message GMA News' Tina Panganiban-Perez, nang tanungin kung posibleng sampahan din ng impeachment complaint si Robredo.
Sa dagdag na tanong kung anong basehan ang maaaring gamitin sa pag-impeach laban kay Robredo, sinabi ni Alvarez na, "Betrayal of public trust."
Sa isang ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Alvarez na ang reklamo ay maaaring iugnay sa ginawang video ni Robredo na ipinadala sa United Nations.
Sa naturang video, tinuligsa ng pangalawang pangulo ang umano'y mga paglabag sa karapatang pantao na nangyayari sa kampanya laban sa droga ng administrasyon.
Sa isang panayam naman sa ANC, sinabi ni Alvarez na ihahain niya ang impeachment complaint kapag nakompleto na ng kaniyang mga abogado ang pag-aaral at rekomendasyon.
Nauna nang sinabi ni Alvarez na naniniwala siyang may kinalaman si Robredo sa impeachment complaint na inihain ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano laban kay Duterte.
Sinabi ni Alvarez na nais ni Alejano na mapatalsik si Duterte sa kapangyarihan para pumalit sa Malacanang si Robredo.
Ito ay sa kabila ng nauna pahayag ni Duterte na hindi siya naniniwala na bahagi ng anumang destabilisasyon sa gobyerno niya si Robredo.
Pero para sa lider ng Kamara de Representantes, "That is the perception of the President which I disagree. I have my own perception."
Sa ilalim ng Saligang Batas, ang bise presidente ang hahalili sa kapangyarihan sa sandaling hindi na magagampanan ng pangulo ang kaniyang tungkulin. -- FRJ, GMA News