ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mag-live in partner, pinasok at pinatay sa loob ng bahay sa Caloocan


Isang lalaki ang nagulantang nang bigla siyang pasukin ng mga armadong lalaki sa Caloocan City na nagpakilala raw mga pulis.  Nang malaman ng mga salarin na mali ang bahay na kanilang pinasok, hinayaan nilang mabuhay ang lalaki pero hindi ang dalawa nitong kapitbahay, na talagang target ng grupo.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing dakong 11:00 p.m. nitong Huwebes nang pasukin ng mga salarin ang bahay at pagbabarilin ang mag-live in partner na sina Lito dela Cruz, 47-anyos, at Leizel Chua, 48, sa  barangay 176 sa Bagong Silang, Caloocan.

Pero bago nito, unang puwersahang pinasok ng dalawang salarin na nagpakilala raw na mga pulis ang kapitbahay ng mga biktima, na itinago ang pagkakakilanlan.

Ayon sa napagkamalang kapitbahay, nagtanong at hinanap ng mga salarin ang isang "Lito."

Kinaladkad umano siya palabas ng bahay at wala na siyang nagawa kung hindi magmakaawa at itaas ang kamay.

Sa labas ng bahay, nakita niya ang isa pang lalaki na nagsilbi umanong lookout.

Ang lookout umano ang sumenyas sa dalawang lalaki na maling tao ang kanilang nakuha, at pinabalik siya sa loob ng bahay at inutusang huwag lumabas.

Hindi nagtagal, apat na sunod-sunod na putok na umano ng baril ang narinig nito, hanggang madiskubre na ang duguang katawan ng mag-live in partner na kapitbahay niya.

Sa kabila nito, hindi raw nakilala ng napagkamalang residente ang mga salarin.

Ayon sa mga imbestigador, walang droga na nakita sa bahay ng mga pinaslang na biktima.

Pero batay umano sa pahayag ng kaanak ni Dela Cruz sa mga awtoridad, dati itong gumagamit ng droga.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Kamakailan lang, isang ginang na dating gumagamit umano ng droga ang pinasok din sa loob ng kaniyang bahay sa Caloocan at barilin sa harap pa mismo ng batang anak.

Noong nakaraang Pebrero, isang lalaki rin ang pinasok sa bahay sa nabanggit na lungsod ng armadong lalaki at saka hinatak sa labas ng bahay at binaril. -- FRJ, GMA News

 

Tags: crime, psstnews