Selos, hinihinalang dahilan ng pamamaril ng policewoman sa isang lalaki
Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang babaeng pulis dahil sa pamamaril umano sa isang lalaki sa Quezon City. Paniwala ng biktima, galit sa kaniya ang policewoman na matagal na umanong may gusto sa kaniyang misis.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing hinahanap ng Quezon City Police District ang kabaro nilang si PO1 Wealyn Ojastro.
Si Ojastro ang itinuturo ng security guard na si Mark Kevin Tumbaga, na sumugod sa kanilang bahay at bumaril sa kaniya noong Lunes ng madaling araw sa barangay Sauyo, Quezon City.
Nakaratay pa sa ospital si Tumbaga dahil sa tinamo nitong tama ng bala sa hita at sugat sa mukha.
Ayon sa biktima, natutulog na sila ng kaniyang misis nang makarinig siya ng kaluskos. Nang buksan niya umano ang ilaw, nakita niya ang pulis na may hawak ng baril.
Nagpilit din umanong pumasok sa bahay ang pulis kaya hinarangan niya ang pintuan. Pero nasugatan ang biktima sa mukha dahil sa binasag na jalousie na naipalo sa kaniya ng suspek.
Nang inakala nilang wala na ang pulis, lumabas na sila ng kaniyang misis para ipagamot ang sugat ng biktima pero nandoon pa ang pulis at nangyari na ang pamamaril.
Naniniwala si Tumbaga na nagseselos sa kaniya si Ojastra dahil naging "malapit" daw ang kaniyang misis dito nang magkahiwalay sila ng ilang buwan.
Matagal na rin umanong may gusto ang pulis sa kaniyang misis at naniniwala siyang ito rin ang gumawa ng mga intriga para magkahiwalay sila ng asawa.
Ayon sa ilang residente, nagpupunta umano si Ojastro sa lugar kung saan tumira ang babae nang magkahiwalay ang mag-asawa.
Naririnig din umano nila na nag-aaway ang dalawa at kalabugan na tila may sinasaktan.
Pinayuhan naman ni P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, director QCPD, si Ojastro na lumutang na para magbigay ng pahayag tungkol sa mga akusasyon laban sa kaniya. -- FRJ, GMA News