Kalikasan, dapat bahagi ng usapang pangkapayapaan —obispo
Kung nais nating magkaroon ng kapayapaan, dapat umanong isaalang-alang ang kalikasan, ayon sa isang opisyal ng Cathlic Bishops Conference of the Philippines.
Sa panayam sa Radyo Veritas, sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, na tunay na malaking salik sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan ang kaayusan sa kapaligiran.
“Mahalagang ang kalikasan sa usapin ng kapayapaan kasi maraming gulo ang nangyayari hanggang sa ngayon ng dahil sa pagkasira ng kalikasan."
Partikular na tinukoy ng Obispo ang pagmimina bilang isang economic activity na nakasisira sa kalikasan at sanhi ng kaguluhan.
"Yung mga pagmimina ay maraming katutubo natin, magssaka, mangingisda ang nawawalan ng hanap-buhay dahil [sa pamimina] ... at huwag nating papasukin ang mga business na nakasisira ng kalikasan at ang nakikinabang lang ay ang mga mayayaman o di kaya'y mga dayuhan.”
Ito'y ipinahayag ni Pabillo habang tinatalakay, kapwa ng peace panels ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines, ang usapin ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER).
Isa sa pinakatampok na usapin ang CASER sa 4th round ng peace talks sa The Netherlands sa ngayon, aniya.
Samantala, iginiit naman ng Kalikasan People’s Network for the Environment na dapat maisama sa 4th round of talks ang tampok na evironmental issues.
Ayon kay Clemente Bautista, coordinator ng grupo, malaki ang magiging saklaw ng CASER sa pangangalaga sa kalikasan.
Isa sa mga binanggit ni Bautista ang pagsasaayos ng mga nasira sa kapaligiran, kasama na ang rehabilitation ng mga nasirang bundok at karagatan upang maiwasan ang mga sakunang ibinubunga ng environmental destruction.
“Malaki yung saklaw nyan pero isang gusto naming i-highlight yung rehabilitation ng degraded environment natin sa Pilipinas, partikular yung mga kagubatan natin at katubigan, pangalawa yung pagbibigay hustisya dun sa mga biktima ng mga environmental crimes including killings pati na yung mga nasalanta ng mine tailing disasters, yung flash floods dahil sa pagkaubos ng mga puno at pagkasira ng mga kagubatan, yun yung ilan sa magandang i-higlight.” —LBG, GMA News