23-anyos na dating Bulacan beauty queen, binaril ng nag-deliver ng bulaklak at tsokolate
Patay ang isang 23-anyos na dalaga matapos siyang barilin ng riding- in tandem na naghatid sa kaniya ng bulaklak at tsokolate sa Plaridel, Bulacan nitong Miyerkules ng umaga.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing binaril sa sintido si Mary Christine Balagtas, naging Lakambini ng Bulacan noong 2009, at naging Mutya ng Malolos at Plaridel.
Nangyari ang pamamaril nang tanggapin umano ng biktima sa mga salarin ang bulaklak at tsokolate sa labas ng kanilang bahay sa Plaridel dakong 9:00 a.m. nitong Miyerkules.
Ayon sa ina ng biktima, isang putok ng baril ang kanilang narinig at nakita na nilang nakahandusay sa gate ng bahay ang anak.
Kaagad na tumakas matapos ang pamamaril ang mga salarin sakay ng motorsiklo.
Isinugod ang biktima sa ospital pero hindi na ito umabot ng buhay.
Narekober ng pulis sa crime scene ang isang basyo ng kalibre .45 baril.
Lumabas sa imbestigasyon na gawa-gawa lang ang pangalan ng flower shop na ginamit ng mga salarin.
Walang maisip ang mga magulang ng biktima sa motibo at kung sino ang pumaslang sa kanilang anak dahil wala raw silang kaaway ang anak.
"Kung sino man pong walang puso na gumawa nito sa anak ko, sana maisip niya na hindi naman aso ang anak ko para patayin ng ganun-ganun lang," hinanakit ng ina.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen at naghahanap ng CCTV na maaaring nakunan ang mga salarin.
Samantala, bumuhos naman sa social media ang #prayforchristine at
#justiceforchristine para makiramay sa pamilya ni Balagtas, at manawagan ng hustisya para sa biktima. -- FRJ, GMA News