ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Madugong ‘paglinis’ sa hanay ng mga ‘pulahan’ asahan –Gonzales


Nagbabala si National Security Adviser Norberto Gonzales nitong Linggo na posibleng isabotahe ng liderato ng komunistang grupo ang programa ng pamahalaan na magbigay ng amnestiya sa mga rebelde sa pamamagitan ng “madugong paglinis" sa kanilang hanay upang takutin ang mga nais magbalik-loob sa gobyerno. Sa panayam, sinabi ni Gonzales na ginamit na noon ng itinuturong nagtatag ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison at kanyang mga kasamahan ang “pagpurga" sa kanilang hanay kaya hindi na umano siya magtataka kung muli itong gawin ng mga rebelde. Sinabi ni Sison, pinalaya kamakailan ng Dutch courts dahil sa kakulangan ng ebidensiya para idiin sa pagpatay sa mga dating kasamahan na sina Arturo Tabara at Romulo Kintanar, ang amnesty program ng pamahalaan ay “palabas" lamang. Binalewala rin ni Sison ang livelihood assistance na iniaalok ng pamahalaan sa mga rebeldeng nais sumuko. “Don’t believe him…. I think Joma may even try to sabotage it (amnesty program), he may even have some of their members, leaders tried in kangaroo courts to warn others," ayon kay Gonzales. Ipinaliwanag ni Gonzales na ang amnesty program ay inirekomenda ng mga lokal na opisyal na direktang may komunikasyon sa mga rebelde sa kanilang lugar. Noong September 6 ay pinirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Proclamation No.1377 na magkakaloob ng amnestiya sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at iba pang komunistang rebelde sa bansa. Ngunit kailangan munang aprubahan ng Kongreso ang naturang proklamasyon para magkabisa. Gayunpaman, inihahanda na ng National Committee on Social Integration (NCSI) sa ilalim ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang implementing rules and regulations ng proklamasyon. Ang mga rebelde na nagsulong ng kanilang politikal na paniniwala ay kuwalipikado sa amnestiya. Hindi naman saklaw ang mga nahaharap sa mga kasong kriminal tulad ng pagpatay at terorismo. Sinasabing hindi kuwalipikado si Sison na kumuha ng amnestiya dahil sa kinakaharap nitong kasong pagpatay. “Well, he's free but it does not mean that the legal battle is over," ayon kay Gonzales. Binigyan na rin umano ng proteksyon ang mga biyuda nina Tabara at Kintanar at iba pang nagreklamo laban kay Sison bilang pag-iingat sakaling sumalakay ang NPA sa Metro Manila. - GMANews.TV