ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 binatilyo na armado ng baril, nambulabog at nanakit sa isang barangay sa Maynila


Nakunan sa closed-circuit-television camera ang ginawang paghahari-harian ng tatlong binatilyong armado ng baril sa Tondo, Maynila, na nambulabog at nanapak ng nakasalubong nilang residente sa barangay.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang CCTV footage sa barangay 217 kung saan nakunan ang tatlong kabataan dakong 3:00 a.m. nitong Sabado.

Ang isa sa kanila, may dalang mahabang baril na hinihinalang sumpak kaya naman nagpulasan ang mga tao na nasa lugar dahil sa takot.

Isang lalaki rin ang nakasalubong ng tatlo na tila sumita sa sila, na bigla na lang sinapak ng isang binatilyo.

Makikita rin na nagpaputok ng baril ang binatilyong armado sa direksyon na pinuntahan ng sinapak nilang lalaki.

Bago tuluyang umalis, napagdiskitihan pa nila ang nakaparadang jeep at van na kanilang pinagsisipa.

Kaagad umanong pinuntahan ng mga opisyal at tanod ng barangay ang lugar pero hindi na nila inabutan ang tatlong binatilyo.

Hinala ng isang kagawad, gumanti ang mga binatilyo sa nakalitan nitong grupo dahil sa bisikleta.

Pero ang pulisya, hindi simpleng alitan lang ang nakikitang dahilan ng gulo kung hindi onsehan sa droga.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng kabataang sangkot sa gulo. -- FRJ, GMA News

Tags: riot, umgnews