Bakasyunistang dalagita sa Pangasinan, ilang ulit ginahasa
Nauwi sa kapahamakan ang masaya sanang bakasyon ng isang 15-anyos na babae nang halayin siya ng dalawang lalaki sa Labrador, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing umiiyak na nagtungo sa himpilan ng Labrador police ang dalagita para isumbong ang nangyari sa kaniya.
Kuwento ng biktima, nagbabakasyon lang sa bayan at naglalakad pauwi sa bahay ng kaniyang tiyahin nang bigla siyang harangin ng dalawang salarin.
Matapos na tutukan ng patalim, sapilitan daw na pinainom ng tableta ang biktima at nawalan na siya ng malay.
Nang magising ang dalagita, kasama pa rin daw niya ang dalawang lalaki sa isang liblib na lugar at muli siyang pinagsamantahan.
"Inulit pa po nila tapos sabi po ng lalaki doon sa isa niyang kasama huwag na siyang magpapakita dito pagkatapos," ayon sa biktima.
Matapos siyang pagsamantalahan, dinala ng mga salarin ang dalagita sa gilid ng highway at doon na iniwan.
Nangako ang pulisya na gagawin ang lahat para malutas ang krimen at madakip ang mga salaran. -- FRJ, GMA News