Pulis na rumaraket sa pagpasada ng kolorum na van, hinabol ng LTFRB
Isang pulis ang nahuli sa aktong rumaraket sa pagpasada ng kolorum na van sa Parañaque City. Pero nakipagmatigasan umano ito at hindi isinuko ang van nang sitahin ng tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang CCTV footage na kuha nitong Miyerkules ng umaga sa kanto ng NAIA Road at Tambo Service Road sa Parañaque.
Sa video, makikita ang humarurot na puting van na hinabol ng sumitang operatiba ng LTFRB na nagsasagawa noon ng anti-colorum drive.
Matapos maipit sa traffic, nasukol ang van na puno ng pasahero, na umamin na nagbayad sila ng pamasahe sa drayber na natuklasang pulis na si PO2 Jun Ancheta
Batay sa nakuhang impormasyon, sinabi ni Atty Aileen Lizada, board member ng LTFRB, nagpakilala umanong pulis si Ancheta na nakasuot ng puting t-shirt at may baril.
Gayunman, wala raw itong maipakitang Police ID nang sitahin.
Ayon sa humabol na LTFRB enforcer na nakiusap na huwag sabihin ang pangalan, hindi naman daw nanigaw o nagmura si Ancheta pero nagmatigas at hindi ito pumayag na ma-impound ang van na ginamit sa pamamasada.
Para maiwasan ang kaguluhan, hinayaan na lang ng LTFRB enforcer na makaalis si Ancheta pero ipina-blotter niya ang nangyari.
Kinumpirma ng NCRPO-Police na pulis si Ancheta na pansamantala umanong nasa Regional Personnel Holding Unit.
Ngunit hindi umano makontak ang kanyang cellphone at hindi rin nagreport mula nitong Miyerkules.
Si PNP Chief Ronald Dela Rosa, sinabing dapat managot si Ancheta sa iligal nitong pamamasada pero nauunawaan daw niya ang ginawa nito para madagdagan ang kita.
"Basta walang kinalaman sa droga, walang kinalaman sa pangongotong yung colorum operation niya para magkapera siya, panggastos sa pamilya, hindi masyadong mabigat sa akin 'yon," anang lider ng kapulisan.
Sabi naman ni dating LTFRB board member Atty. Ariel Inton, hindi bago ang mga ganitong insidente ng mga pulis na nangongolorum.
Iginiit naman ni Lizada, na hindi dapat pag-initan ang kanilang mga tauhan na nais na pantay-pantay na maipatupad ang batas laban sa mga kolorum.
Ipinarating na raw ng LTFRB sa Department of Interior and Local Government (DILG) na nakasasakop sa PNP ang insidente.
Nais ng LTFRB na isuko ni Ancheta ang kanyang van, kung saan may multang P200,000 sa mga colorum na van.
Bukod ito, nais din ng LTFRB na kasuhan ng administratibo sa PNP si Ancheta. -- FRJ, GMA News