Nagbitiw na Catanduanes cop, may katibayan daw na inutusan siyang pumatay
Mayroon daw katibayan ang nagbitiw na pulis sa Catanduanes para patunayan na inutusan siya ng kaniyang opisyal na pumatay para makapagpakitang-gilas ang kanilang mga pinuno sa Oplang-Tokhang ng pamahalaan.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing bago pa man ang administrasyong Duterte ay dismayado na si PO1 Vincent Tacorda sa nakikita niyang sistema sa pamunuan ng Philippine National Police sa lalawigan.
Pero hindi na raw niya kaya ang mga panggigipit sa kaniya para pumatay ng mga isasangkot sa iligal na droga at pagtatanim ng mga ebidensiya.
"Isa sa mga rason [kung bakit] nag-resign ako is hindi ko na kaya... hindi ko na kaya ang pressure, 'di ko na kaya ang sistema. Ayoko na, ayoko na sa PNP," saad ng pulis sa panayam sa telepono.
Inatasan din umano siya ng kaniyang opisyal na pumatay ng mga drug suspect dahil napag-iiwanan daw ang Catanduanes sa mga nagagawa pagdating sa kampanya laban sa iligal na droga.
"May ebidensya ako niyan. Inoorderan nila ako mag-conduct ng pamamaril nga, kasi nakikiusap sila kung pwede daw kasi mare-relieve sila dahil lahat na may accomplishment na, Catanduanes na lang ang walang nasasampolan," ayon kay Tacorda.
Patuloy niya, "Kaya nakiusap sila sa akin kung pwede ako mag-sample. Dahil siya ang COP (Chief of Police) ko noon, ma'am, kaya sumunod ako."
Inutusan din umano sila ng dating director ng Catanduanes police na huwag ideklara ang lahat ng nasabat na droga at pera sa police operations kapag sobrang laki na ang halaga.
Gagawin umano ito para ipampuno sa kakulangan nila sa pondo para sa mga susunod na operasyon.
Wala pang tugon si dating Catanduanes Police Director Jesus Martirez sa mga pahayag ni Tacorda.
Samantala, sinabi naman ng pinuno ng PNP Region 5 na dapat patunayan muna ni Tacorda ang kaniyang mga alegasyon bago magsumbong sa media.
"Airing their grievances to the media is apparently a Conduct Unbecoming of Police Officer. Applying the general rule, 'He who assert, not who denies must prove', it is the burden on the part of the accuser to provide evidence in order to substantiate their claim," ayon kay Police Senior Inspector Malu Calubaquib.
Para naman kay Catanduanes Police Provincial Office director Jeffrey Fernandez, kailangan patunayan ni Tacorda ang kaniyang mga alegasyon sa tamang lugar.
Samantala, kahit naghain ng kaniyang resignation letter, nananatili pa ring pulis si Tacorda hangga't hindi pa ito naaksyunan ng PNP sa Camp Crame.
Ituturing daw na AWOL o absent without leave si Tacorda kapag hindi ito nagreport sa kaniyang trabaho. — FRJ, GMA News