'Boracay mansion' gagawing museo ng QC gov't
Planong gawing pampublikong museo ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang lote sa New Manila kung saan itinayo ang tinaguriang âBoracay mansion" na pinaniniwalaang pag-aari ni dating Pangulong Joseph Estrada. Nanindigan si Quezon City treasurer Victor Endriga na ang lungsod ang may-ari ng naturang mansyon mula pa noong 2005 at alinsunod sa batas, siya ang may katungkulan na magdesisyon kung ano ang gagawin sa 7,400 square-meter na ari-arian. "I am just doing my job. It is my task (to dispose of the property) and if I will not do what the law tells me to do, I may be held liable. We plan to convert it into a museum soon," ayon kay Endriga. Nailit ang lote matapos walang magbayad para sa buwis nito noong 2005 habang may freeze order ang Sandiganbayan dahil sa pagkakasangkot nito sa mga diumano'y hindi maipaliwanag na yaman ng dating pangulo. Mula nang hatulan ng guilty si dating Pangulong Estrada sa kasong pandarambong noong Setyembre 12, isinama sa ipinababawi ng Sandiganbayan ang "Boracay mansion" na binili sa halagang P142 milyon noong 1998. Tumira si dating aktres Laarni Enriquez, ang ina ng tatlo sa mga anak ni Estrada, habang ipinagagawa ang kanyang bahay sa Wack-Wack Subdivision sa Mandaluyong City. Sira na ang mansyon na may wave pool at puting buhangin na kinuha pa sa Boracay island sa Aklan. Bago pa man makakilos ang Sandiganbayan sang-ayon sa hatol kay Estrada, mabilis na nagsalita si Endriga na pag-aari na ito ng lungsod ng Quezon matapos hindi mabayaran ang buwis na umabot sa halagang P1.7 milyon. "We asked the last known owners to participate in the auction or to pay their tax arrears amounting to P1.7 million in 2005. When nobody bought it, the city government (became its owner). The law allows for a one year period for the owners to redeem the same but two years had passed and nobody moved to reclaim it," giit ni Endriga matapos ipakita ang kopya ng paglilipat ng titulo ng lupa sa pamahalaang lokal ng QC. Ayon pa kay Endriga, nabawi sana ng mga may-ari ang naturang mansyon kung nagawa lamang nilang bayaran ang P1.292,842 buwis at karagdagang P440,741.72 na multa o aabot sa kabuuang P1,733,584. Nauna nang ipinahayag ni Endriga na nasa delinquent list ng lungsod mula pa noong 2001 ang St. Peter Holdings. Ang Boracay mansyon ay nakarehistro sa naturang kumpanya. Napag-alaman din ng kanyang tanggapan na ang opisina ng St. Peter Holdings Corp. sa Strata 100 building, Ortigas Center sa Pasig City kung saan sila nagpapadala ng mga paalala sa mga bayarin ay abandonado na rin. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV