Dating janitor na pumasa sa Bar exams, 'di nasilayan ang ama
Sa 3,747 nakapasa sa Bar Exams na lumabas ngayong Miyerkules, isa sa mga pangalang lumutang— ang dating janitor na si Ramil Comendador. At isa sa mga tao na nais daw niyang makabahagi sa nakamit na tagumpay, ang ama na hindi niya nasilayan.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Comendador, 35-anyos, na nagpursige siyang makatapos ng pag-aaral upang mawakasan ang siklo ng kahirapan sa kanilang pamilya.
IN PHOTOS: ‘Mama, lawyer na ko,’ other tales, images of triumph from Bar Exams 2016
Napag-alaman na iniwan sila ng kaniyang ama at ang ina ang tanging nagtaguyod sa kanila.
Dahil naniniwala siya sa kahalagahan ng edukasyon para mawakasan ang kahirapan, pinagsabay nito ang pag-aaral at pagtatrabaho.
Kabilang na rito ang pagpasok niya bilang janitor sa main office ng Commission on Election (Comelec) habang nasa kolehiyo.
"Gusto kong magtagumpay, yung kahirapan mismo yung rason," aniya. "Gusto kong putulin yung cycle ng kahirapan...Sabi ko yung education po 'yon ang great equalizer ng lahat."
Nang makatapos sa kolehiyo, kumuha naman si Ramil ng Civil Service exams at nang makapasa ay natanggap siya bilang election assistant sa Comelec Office sa Malabon.
Gaya nang nag-aaral siya sa kolehiyo, pinagsabay din ni Comendador ang pagtatrabaho at pag-aaral ng abogasya sa Unibersidad ng Maynila.
Dahil kapos sa buhay, karamihan umano sa mga librong ginamit niya ay bigay o pahiram ng mga kaibigan.
Ang mga kasamahan ni Comendador sa trabaho, hanga sa ipinakita niyang dedikasyon, sipag at tiyaga para makaahon sa kahirapan.
May asawa't dalawang anak na si Comendador na isa raw sa mga inspirasyon niya para abutin ang pangarap.
Sa harap ng tagumpay, nais ni Comendador na makasama at maging bahagi ng kaniyang kasiyahan ang ama na hindi nasilayan mula pagkabata.
"Gusto ko lang siyang makita kung buhay pa man po siya. Kasi yung nanay ko po 77 [anyos] na po. Sabi ng nanay ko baka matanda yata sa kaniya ng isang taon," kuwento niya.
"Sana po kung buhay pa po siya gusto ko siyang makita," hangad ng bagong abogado ng bansa. -- FRJ, GMA News