ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Alamin ang investment na makatutulong para mapaghandaan ang pagreretiro


Ang kawalan ng perang naitabi pagsapit ng katandaan ang madalas na problema ng mga nagreretiro. Alamin ang programa ng gobyerno na maaaring makatulong upang mapaghandaan ang panahon na hindi mo na kaya o tigil ka na sa pagkayod.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, hinikayat ng opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga manggagawa na gamitin ang Voluntary Retirement Savings Program ng gobyerno.

Nakapaloob sa programang ito ng gobyerno ang Personal Equity and Retirement Account o PERA, kung saan maaaring magbukas ng account ang isang tao na paglalagakan ng kaniyang retirement fund.

Ang pondong maiipon sa account, lalago depende sa kikitain sa paglalagyan na mga investment na mairerekomenda ng mga bangko na itinalagang PERA administrator.

Ang retiradong guro na si Merla Blancaflor, personal na nararanasan ang hirap nang hindi napaghandaan ang pagreretiro.

"Normally at the age of retirement, nandyan na yung mga sakit ng high blood, diabetes," aniya. "Kailangan ready ka, na hindi ka maghihintay na bigyan ka pa ng anak mo."

Sa ngayon, ang GSIS pension lang umano nilang mag-asawa ang kanilang inaasahan pero hindi sapat.

Pag-amin ni maam Merla, hindi niya masyadong napaghandaan ang pagreretiro dahil nang panahon ng kaniyang kalakasan ay nakatuon ang atensyon niya sa pagsuporta sa pamilya.

Ayon kay Annaliza Tan-Cimafranca, director ng BSP, ang madalas na tanong ng mga manggagawa ay kung saan napunta ang kanilang pinagpaguran pagsapit ng panahon na magreretiro na sila.

Ang kapakanan ng mga nagreretiro ang nais umanong tugunan ng gobyerno sa pamamagitan ng PERA ng Voluntary Retirement Savings Program.

Isinabatas ang PERA law noong 2008 sa pamamagitan ng Republic Act 9505.  Pero December 2016 lang inilunsad ng BSP ang programa matapos ang mahabang preparasyon ng pamahalaan.

Sa ngayon, dalawang bangko pa lang [Banco De Oro at Bank of the Philippine Islands] ang  accredited PERA administrator kung saan puwedeng magbukas ng PERA account.

Kahit 18-anyos pa lang, puwede nang magbukas ng PERA account basta may trabaho o negosyo, at may tax identification number (TIN).

Ang minimum annual contribution ay P1,000, at P100,000 ang maximum. Puwera sa mga OFW na P200,000 ang maximum contribution.

Tax-exempt umano ang kikitain ng PERA contribution, at 5 percent ng annual PERA contribution ay magiging income tax credit pa o ibabawas sa babayarang buwis.

Makukuha ang PERA contributions at ang kinita nito kapag naabot na ang edad na 55, at nakapag-contribute na nang limang taon. Gayunman, may mga penalty kung kukunin ang pera nang mas maaga.

Sa gabay ng PERA administrator, puwedeng piliin kung saan ilalagay ang inilagak na pera gaya ng stocks, mutual funds, government securities, insurance pension product at iba pa.

Dumadaan umano ang lahat sa pagsusuri ng mga BSP, Securities and Exchange Commission at Insurance Commission para matiyak na sa magagandang investment instrument mapupunta ang pera. -- FRJ, GMA News