Ilang pulis ng Mabalacat, Pampanga, sangkot daw sa 'tanim-droga'
Hiniling ng isang anti-crime group na sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin sa puwesto ang hepe ng pulisya sa Mabalacat, Pampanga dahil sa dumadami umanong insidente ng "tanim-droga" sa naturang lungsod.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News"24 Oras" nitong Huwebes, sinabing isang "Alyas Lando" ang kabilang sa nabiktima umano ng pagtatanim ng droga ng ilang pulis sa Mabalacat.
Kuwento ni Lando, gabi noong Abril 24 nang pumunta sa kaniyang bahay ang mga pulis at basta na lang umano siya inaresto at dinala sa Mabalacat City Police Station.
Sa himpilan ng pulisya, isinama raw si Lando sa limang iba pang naarestong suspek sa droga at pinalabas daw na magkakasama silang nadakip sa isang lugar.
"Yung droga, inilatag na lang po sa Dau. Tapos kinunan po kami ng picture na 'yun daw po yung nakuha nilang marked money at ilang sachet ng shabu," ayon kay Lando.
Hindi rin daw malilimutan ni Lando ang sinabi umano ng hepe ng Drug Enforcement Unit ng Mabalacat na si Sr. Inspector Melvin Florida, na papatayin nito ang mga mahuhuli at palalabasing nanlaban kapag napuno siya.
Sa panayam kay Florida, itinanggi nito ang mga pahayag ni Lando at sinabing nagpositibo sa droga ang mga nadakip nila noong Abril 24.
Kilala na rin daw nila ang nagrereklamo laban sa kanila at sinabing ito raw ang nag-alok ng pera para makalaya.
"Upon arrest nag-offer siya na along the way papunta kami sa istasyon, inoperan [offer] kami ng certain amount na 'wag na raw siyang hulihin, magbabayad na lang siya para madali. Sabi ko 'di puwede 'yan, kalokohan yang pinagsasabi mo," anang opisyal.
Pero ibinasura ng husgado ang reklamong isinampa ng pulisya laban kina Lando at limang iba dahil walang nakitang sapat na basehan o probable cause ang hukom.
Sinasabing isa lang si "Lando" sa dumadami umanong biktima ng pagtatanim ng shabu sa Mabalacat. Kaya ang grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na tagasuporta ni Duterte, nais na maalis sa puwesto ang hepe ng Mabalacat police at hepe ng drug enforcement unit nito.
"Hindi rin naman alam kung ano ang tunay na motibo. Ito ay ba ay para may masabi lang na may accomplishment?," puna ni Pyra Lucas, chief coordinator ng VACC-Region 3.
Nangako naman si Deputy Regional Director for Operations Sr. Supt. Rolando Llanera, na walang takipan na mangyayari sa imbestigasyon nila at papatawan ng parusa ang mga pulis kapag napatunayan na nagkasala.
Nanindigan naman si Police Superintendent Juritz Rara, Mabalacat police, na wala silang ginagawang masama at iligal, kasabay ng pagsabing nakahanda siyang bumaba sa puwesto. -- FRJ, GMA news