ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bagyong 'Goring' pumunta na sa Taiwan


Lumabas na sa Pilipinas ang bagyong si "Goring" (international code name: Wipha) nitong Martes at ngayon ay nasa bahagi na ng Taiwan. Sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) dakong 5 pm, si "Goring" ay nasa 550 kms hilaga ng Basco, Batanes o 100 kms hilagang-silangan ng Taipei, Taiwan. "However, the enhanced southwest monsoon will continue to prevail over Central and Southern Luzon and Visayas. Residents in low-lying areas and near mountain slopes are advised to take all the necessary precautions against possible flashfloods and landslides," paalala ng Pagasa. Taglay pa rin ni "Goring" ang pinakamalakas na hangin na 175 kph malapit sa gitna at pagbugso na hanggang 210 kph. Kumikilos ito patungong hilagang-kanluran sa bilis na 19 kph. Sa Miyerkules ng umaga, inaasahan na ang bagyo ay nasa layong 240 kms hilaga ng Taipei, Taiwan o bahagi ng timog-silangan ng China. Dahil dito, ibinaba na ng Pagasa ang lahat ng storm signal sa bansa. Idinagdag ng Pagasa na ang kanlurang bahagi ng Katimugang Luzon at Visayas ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat. Ang nalalabing bahagi ng bansa ay magiging bahagyang maulap na may panaka-nakang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa hapon o gabi. Bahagya hanggang malakas na hangin ang mararanasan sa timog-kanluran sa hilaga at kanlurang bahagi ng Luzon at kanlurang Visayas. Habang ang alon sa baybayin ay magiging katamtaman hanggang sa malakas. - Fidel Jimenez, GMANews.TV