ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Snatcher, binugbog ng taumbayan matapos mahulog sa sinasakyang motorsiklo


Bukol at pasa sa katawan ang inabot ng isa umanong snatcher matapos siyang kuyugin at bubugbugin ng taumbayan.

Sa ulat ni Jay Sabale sa "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Mark Buenaventura, 18, na nang-snatch diumano sa harap ng isang bilyaran sa Tomas Morato, Quezon City dakong alas tres ng madaling araw.

Kwento ng biktima, nalaglag daw ang suspek sa motorsiklo at nakatakas din daw ang iba pa nitong kasama.

"Bigla pong may huminto na motor po sa harap ko po. Tapos muntik po akong banggain. Nag-sorry po siya. Then bigla po niyang kinuha 'yung phone ko," sabi ng biktima.

"Naglabas po kasi siya ng patalim. Ginawa po nung friend ko hinatak po siya. 'Yung dalawa ko pong friend... so nalaglag po siya sa motor. Tapos 'yung kasama niya po, tumakas po."

Depensa naman ng suspek, isinama lang daw siya ng kanyang kaibigang si Raymond na gumala.

"Sabi po sa akin ng kasama ko, 'ayan hablutin mo na,' ako naman pong tanga... bata po, hinablot ko naman. Pag hablot ko po, di ko naman po nakuha, nahatak po 'yung kamay ko. 'Yun na po, nalaglag na po ko sa motor," sabi ni Buenaventura.

"Iniwanan na po ko ng kasama ko... binugbog na po ko ng taumbayan," dagdag pa niya.

Ayon pa kay Buenaventura, 17 taong gulang lamang siya subalit hindi naman ito pinaniwalaan ng mga pulis.

"Labing walong taon ang nakarecord dito sa amin. Modus din nila 'yan na gustong makaiwas sa demanda. Ginagamit nila ang batas na ito para hindi sila makasuhan," sabi ni Quezon City Police District Station Commander Supt. Pedro Sanchez.

Sabi naman ng suspek, dapat ding mahuli at managot ang kanyang kaibigang nakatakas. 

"Sana mahuli siya Sir... di lang ako Sir. Sana mahuli siya Sir, mararanasan niya rin ang naranasan ko rito, Sir," sabi ni Buenaventura.

Nabawi naman ang na-snatch na cellphone ni Buenaventura at kasalukuyan siyang nakakulong ngayon sa QCPD Station 10. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News