ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

NAIA, mahigpit na binabantayan ng aviation security group


Nakaalerto ang mga kagawad ng Philippine National Police Aviation Security group sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport habang ipinatutupad ang martial law sa rehiyon ng Mindanao.

Todo bantay ang mga pulis sa mga paparating at papaalis na pasahero sa paliparan.

Nitong Huwebes ng umaga, ilang mga miyembro ng Gabinete —kabilang sina PNP Chief Ronald "Bato" De La Rosa, Department of Transportation Sec. Art Tugade at Presidential Communications Operations Office Sec. Martin Andanar — ang lumipad patungong Davao City para sa isasagawang Cabinet Meeting na pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ulat ng GMA News, ipinahayag ni Secretary Tugade na dapat umanong maging kalmado ang mga mamamayan at dapat "business as usual" lamang ang lahat.

Iginiit naman ni Secretary Andanar na walang dapat na ikabahala ang taong-bayan, at wala rin umanong dapat ipangamba ang mga lehitimong mga mamamahayag dahil hindi naman sila pagbabawalan na mag-cover sa martial law sa Mindanao.

Pero, aniya, dapat iwasan ng lahat na magpakalat "fake News," lalo na ang mga nasa social media.

Dagdag niya, dapat tumutok lamang umano ang mga mamamayan sa mga balita mula sa news outfits ng pamahalaan dahil sa pamamagitan ng mga ito ibibigay ang impormasyon sa mga pinakabagong balita sa martial law sa Mindanao. —LBG, GMA News