Sundalo na Marawi war casualty nagpapagaling sa V. Luna
Dinurog at winarak ng balang pinakawalan ng isang Maute sniper ang malaking bahagi ng kaliwang binti ni Corporal Ben Flores na naka-confine ngayon sa AFP Medical Center sa V. Luna Avenue sa Quezon City.
Isa si Cpl. Flores sa halos 100 casualties (sa huling tala nitong nakaraang Biyernes, ika-23 ng Hunyo) ng giyera sa Marawi na dinala sa V. Luna hospital.
Pitong taon nang sundalo si Flores.
Isinalaysay ni Flores na nagkukubli siya at ang mga kasama niyang sundalo sa isang gusali sa Marawi nang tamaan siya ng bala ng sniper.
"Hinawi ko lang nang sandali ang kurtina para masilip ang sitwasyon sa labas nang tumama ang bala sa kanan kong binti. Tumagos ang bala papunta sa aking kaliwang binti kung saan buto ang tinamaan," ani Flores.
Kinabitan ng mga metal braces at binalot ng benda ang kaliwang binti ni Flores. Naghilom na ang sugat sa kanan niyang binti.


Cpl. Ben Flores. --Photos by Earl Rosero
Ayon kay Col. Patrick S. de Leon, isang plastic surgeon at deputy commander ng AFP Medical Center, mga 30 porsyento ng 98 na casualties na dinala sa kanila mula sa bakbakan sa Marawi ay nagtamo ng bone fractures at tama ng bala, habang ang mga kinailangan ma-amputate ay doon na mismo sa field hospital sa Cagayan de Oro inasikaso.
Aabutin ng anim hanggang siyam na buwan ng pagpapagaling at paghihilom ng pinsala sa katawan ang bubunuin ng mga pasyenteng nagtamo ng nabali o sumabog na buto, dagdag pa ni Col. de Leon.
Kaya ng AFP Medical Center na tumanggap ng 1,200 pasyente dahil iyan ang kanilang bed capacity.
Inilahad ni Col. de Leon na sana ay matulungan ang AFP Medical Center na magkaroon ng simpleng outdoor exercise area kung saan ang mga nagpapagaling na sundalo ay makakagalaw ng maayos upang manumbalik ang lakas at sigla ng kanilang katawan dahil hindi maari na lagi na lamang nakahiga sa kama sa ward ang mga pasyente.
"Kahit sana naka-assemble na tatlong container vans na mayroong ramps, rails, at tamang luwag na espasyo para maikilos ng mga pasyente namin ang kanilang mga katawan kapag kaya na nilang tumayo at maglakad," ayon kay Col. de Leon.
Si Cpl. Flores at ilan sa iba pang sugatan mula sa Marawi ay sa Heroes Ward ng ospital nagpapagaling at binibisita ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Nang dumalaw doon ang GMA Kapuso Foundation kinahapunan ng June 23, binabantayan si Cpl. Flores ng kanyang kapatid na babae.
Habang nangingilid ang luha sa kanyang mga mata, nabanggit ni Flores ang kanyang simpleng hiling na sana ay mabisita siya ng kanyang anak na lalaki na nawalay sa kanya dahil nasa kustodiya ng ina nito. —LBG/KVD, GMA News
***
Nasa Mindanao na ngayon ang ikatlong relief mission ng GMA Kapuso Foundation para mga Marawi bakwit at mga tropang gobyerno na ipinadala sa Marawi. Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang GMAKF sa mga opisyal doon para sa mga detalye ng paghatid ng tulong sa mga sundalo.
