ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bagong sundalo, nabalian ng hita sa bakbakan sa Marawi City


 

Pvt. Adriane Arguelles. --Photos by Earl Rosero


Tumagos sa buto sa hita ni Private Adriane Arguelles ang tumamang sharpnel sa kanya at kinailangang lapatan ng malaking metal brace nang siya ay operahan sa Armed Forces of the Philippines Medical Center sa Quezon City.

Bagong sundalo si Pvt. Arguelles, 26, ng Philippine Army. Ilang buwan pa lamang siya sa serbisyo at naging casualty agad sa bakbakan sa Marawi City.

“Swerte pa rin [ako] kahit papaano kasi muntik na ang aking tuhod,” pahayag ng sundalo, dahil konting-konti na lang ay mas malaki at mas malala na pinsala sana ang natamo niya kung lumihis pa nang kaunti papunta sa tuhod niya ang shrapnel.

Nakabantay kay Arguelles sa ospital ang kanyang ama, Fides Arguelles, na retiradong sarhento sa Philippine Army.

Mananatiling nakakabit ang semi-circular metal brace sa hita ni Arguelles nang ilang buwan depende kung gaano kabilis maghilom ang bali.

Patuloy pa rin ang bakbakan sa Marawi habang sinisikap ng mga sundalo na palayain ang siyudad mula sa mga teroristang mga grupo na sumumpa ng katapatan sa ISIS, isang international Islamic terrorist group.

Sinalakay ng mga terorista ang Marawi City noong ika-23 ng Mayo, na nag-udyok kay Pangulong Rodigo Duterte sa isailalim ang buong Mindanao sa batas-militar. —LBG, GMA News

***

Ngayong linggong ito, magsasagawa ang GMA Kapuso ng paghahandog ng relief goods at suplay ng tubig para sa mga sundalo na naka-deploy sa Mindanao para sa Marawi siege operations doon.