ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagsusuri sa bangkay ng bata sa maleta tatagal ng 2 buwan


Tatagal ng dalawang buwan ang isasagawang forensic reexamination sa labi ng batang babae na pinaniniwalaang si Geraldine Palma, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI). Hinukay ng NBI nitong Lunes ang labi ni Palma, pitong taon gulang, upang magsagawa ng pagsusuri at matiyak na hindi ibang tao ang nagmamay-ari ng katawan na inilibing sa Manila Memorial Park sa Paranaque City dalawang linggo na ang nakalilipas. Ayon kay Renato Bautista, NBI medico-legal unit executive officer, pinakamatagal sa proseso ng pagsusuri ang DNA test. "Sabi ng mga forensic chemists tatagal ng isang buwan ang DNA test pa lang," pahayag ni Bautista sa dzBB radio. Idinagdag naman ni Atty. Arnel Dalumpines ng NBI Special Task Force, kumuha rin sila ng tissue sample sa mga labi ng biktima. Ginawa ang paghukay sa labi ni Palma matapos ihayag ng imbestigasyon ng Manila police na posibleng buhay ang “tunay" na Geraldine Palma batay sa testimonya ng opisyal sa paaaralang pinapasukan ng bata bago ito iniulat na nawawala, at ang medical record nito. Ayon kay Manila Police District homicide division head Supt. Alejandro Yanquiling Jr, maaaring itinakas ng yaya na si Maritess Ontog ang alaga nitong si Palma dahil sa awa. “Lumalabas ang bata na parang neglected, ang sabi sa school na nang-aagaw siya ng lapis at pagkain, inaabot ng gabi sa school at madre ang nagpapakain," pahayag ni Yanquiling. Idinagdag ng opisyal na ang pagkakatuklas ng kaibahan sa taas ng batang nakita sa maleta at medical record sa paaralan ni Palma ay nagbigay sa kanila ng pagdududa na hindi si Geraldine ang natagpuang bangkay sa loob ng maleta na natagpuan sa Manila Bay sa Tondo. Sinabi ni Yanquiling na mahirap mangyari na tataas ang bata ng apat na pulgada sa loob lamang ng isang buwan. “Ang basa ko buhay pa silang pareho (Geraldine at Ontog). Kung totoo ang sabi ng school na neglected ang bata malamang naawa ang katulong at kinuha ang bata," paliwanag ni Yanquiling. Ang labi ng batang pinaniniwalaan na si Palma ay nakitang nakasilid sa maleta at lumulutang sa Manila Bay noong Agosto 11. Idinagdag naman ni Bautista na buo ang hymen ng labi ng batang hinukay kaya ibinasura nito ang posibilidad na hinalay ang bata. - Fidel Jimenez, GMANews.TV