RP bumaba ng 10 bahagdan sa corruption index
Sampung bahagdan ang ibinaba ng Pilipinas sa corruption perception index ng international corruption watchdog na Transparency International (TI). Mula sa ika-121 puwesto sa Corruption Perceptions Index (CPI) noong 2006, nasa ika-131 ngayong taon ang Pilipinas. Bagama't lumagpak ng 10 bahagdan, hindi naman nagbago ang CPI score ng Pilipinas sa 2.5, katulad pa rin noong nakaraang taon. "A country or territory's CPI score indicates the degree of public sector corruption as perceived by businesspeople and country analysts, and ranges between 10 (highly clean) and 0 (highly corrupt)," paliwang ng TI sa puntos ng CPI. Sa 180 bansa na kasama sa listahan, may pinakamataas na CPI score ang New Zealand, Denmark at Finland (9.4); sinundan ng Singapore at Sweden (9.3); Iceland (9.2); Netherlands at Switzerland (9.0); at Norway at Canada (8.7). Kasama naman ng Pilipinas sa ika-131 puwesto ang Nepal, Yemen, Burundi, Libya, Iran at Honduras. Noong nagdaang taon, kahilera ng Pilipinas sa ika-121 ang Benin, Gambia, Guyana, Honduras, Nepal, Russia, Rwanda at Swaziland. Ang CPI score confidence interval ng Pilipinas ngayon 2007 ay mula 2.3 hanggang 2.7. Nakakuha naman ng pinakamababang CPI score na 1.4 ang Somalia at Myanmar. Noong 2006, ang Finland at Iceland ang may pinakamataas na CPI score na 9.6. - Fidel Jimenez, GMANews.TV