ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babaeng idinawit kay Abalos lumantad


Lumantad sa publiko nitong Huwebes ang babaeng sinasabing nakarelasyon ni Commission on Elections chairman Benjamin Abalos na nagbigay ng ibang kulay sa usapin tungkol sa umano'y maanomalyang kontrata sa national broadband network (NBN) project. Mariing pinabulaanan ni Evelyn Silagon nitong Huwebes na nagkaroon sila ng ugnayan ni Abalos. Nilinaw din niya na isa siyang public relations officer at hindi mamamahayag. Isang araw bago humarap si Abalos sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa partisipasyon n'ya sa NBN project ay kumalat ang mga text message tungkol sa relasyon ni Abalos kay Silagon, at diumano'y nagkaanak pa sila na ngayon ay siyam na taon-gulang na. Sinabi ni Silagon na kailanman ay hindi siya nagkaroon ng “intimate relationship" kay Abalos at sandaling panahon lamang niya ito nakilala. Humarap si Silagon sa isang press conference sa Makati nitong Huwebes upang linawin ang mga usap-usapan upang hindi na ito lumaki. Naging paksa ng usapan si Silagon nang banggitin ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel nitong Miyerkules ang kanyang pangalan sa ginawang pagdinig ng Senado tungkol sa kontrobersiyal na $329.4 milyong kontrata na itinulak ni Abalos para sa Zhong Xing Telecommunications Equipment Corp. ng China. Inusisa ni Pimentel si Abalos sa pagdinig ng Senado kung kilala niya Silagon. Agad na sumagod si Abalos na masyadong malisyoso ang kumakalat na mensahe tungkol sa kanilang relasyon. Sagot naman ni Silagon: "That's not true. It was unkind for me and my daughter as well as for Abalos and his family." "Let's be cautious. Ano ang power ko sa iyo (Pimentel)? Senator ka, ano ba naman ako? I don't mean to be a holy or pious person but my children are affected," himutok ni Silagon, 52-taon gulang. Hinamon ni Silagon ang nagkakalat ng text message na kumuha ng dokumento sa National Statistics Office (NSO) kung mapatutunayan na si Abalos nga ang ama ng kanyang anak. "A birth certificate is a public document. The burden of proof lies on them," diin ni Silagon. Ayon kay Silagon, nakilala niya si Abalos dahil siya ay isang public relations practitioner na nag-organisa ng press conference sa Metro Manila Development Authority (MMDA) noong panahon na pinuno nito si Abalos. Sinabi ni Silagon na isa siyang single mother at may apat na anak. Dalawa umano sa mga anak niya ay nasa US, isa ang nasa Mindanao, habang kasama niya ang pinakabunso. Wala umanong balak si Silagon na idemanda si Pimentel pero aalamin n'ya kung sino ang nagkalat ng text message. "Iyan ang tutuklasin ko though I have some idea. I just can't pinpoint the people," pagtatapos niya. - Mark Merueñas, GMANews.TV