ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaki, mga pulis nagkainitan dahil sa walang paalam na pagkuha ng video sa loob ng MPD station


 

Nagkaroon ng komosyon sa headquarters ng Manila Police District nitong Miyerkules matapos sitahin ang isang lalaking kumukuha ng video habang nagbibigay ng pahayag ang Uber driver kaugnay sa pagkamatay ni Horacio Castillo III na isang hazing victim.

Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa "Unang Balita," pumunta sa MPD ang lalaki na nagpakilalang si Arvin Tan upang ireklamo ang umano'y nanutok ng baril sa kanya.

"Meron kasi sa 'king nanutok ng baril sa Station 8, gusto ko sanang i-report, anong procedure po?" tanong ni Tan sa Homicide Section ng MPD.

"Pumunta po kayo sa imbestigador ng General Assignments kasi Homicide Section po ito. Ito pong mga reporter natin, nagko-cover lang po ito," sagot sa kanya ng pulis.

Habang kausap naman ng mga pulis ang Uber driver na naghatid daw ng mga gamit ni Castillo, nakitang kumukuha ng video si Tan kung saan pati ang mga miyembro ng media ay isinama niya.

Nang siya ay lumabas, hinabol siya ng mga pulis upang sitahin. Dito na nagkainitan ang mga pulis at si Tan, matapos siyang magmatigas at tumangging ipakita ang kanyang ID.

Ayon sa ulat, minura pa niya ang mga imbestigador habang naninigarilyo. Nakita rin siyang may tinatawagan sa kanyang cellphone.

Sa kainitan ng komosyon, tumakas si Tan sakay ng kanyang kotse.  Nagpaputok pa ang mga pulis pero hindi na nila siya inabutan

Inalarma na ng MPD sa lahat ng police stations hinggil sa plate number ng sasakyan ni Tan.

Posibleng maharap ang lalaki sa kasong malicious mischief, resisting arrest, destruction of property, alarm and scandal, at unjust vexation.

Wala namang nasaktan sa nangyari.

Iniimbestigahan na rin kung may interes ang lalaki sa kaso ni Castillo. —Jamil Joseph Santos/KBK, GMA News