PDI hindi isisiwalat ang 'source' ng ulat sa ZTE
Pinanindigan ng pahayagang Philippine Daily Inquirer (PDI) nitong Martes ang inilathalang ulat tungkol sa pagpigil diumano ni Sen Joker Arroyo sa pagsisiwalat ni Romulo Neri ng impormasyon sa Senate closed-door hearing noong Setyembre 26 tungkol sa national broadband network project. Ipinatawag ang dating director general ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa imbestigasyon ng Senado noong nakaraang linggo kaugnay ng nalalaman nito sa $329.48-milyong kontrata ng Zhong Xing Telecommunications Equipment (ZTE) Corp. ng China para sa NBN project. âThe Inquirer stands by its story. The Inquirer however regrets that it cannot reveal the identities of its sources since the information related to the Inquirer was given in confidence and on condition of anonymity," pahayag ng PDI. Nitong Linggo, inilabas ng PDI ang isang banner story na isinulat ni Juliet Labog-Javellana kung saan ginamit niya ang pahayag ng hindi kinilalang sources na naroon diumano sa sesyon. Ayon sa ulat, pinigilan diumano ni Arroyo si Neri na isiwalat sa pagdinig ng Senado ang kabuuan ng kanyang nalalaman sa tangkang panunuhol sa kanya ni dating Elections chairman Benjamin Abalos ng P200-milyon upang aprubahan ang NBN project para sa ZTE. Naghain diumano si Arroyo ng isang motion upang makakuha muna ng abogado si Neri bago magbigay ng testimonya. Pinabulaanan ni Arroyo ang balitang ito at hiniling sa mamamahayag na pangalanan ang mga taong nagbulgar ng impormasyon. Subalit tumanggi ang PDI na ilantad ang kanilang mga source sabay giit ng Republic Act 53 o ang Press Freedom Law na kinilalang Sotto law bilang pagkilala sa naghain nito na si dating Senador Vicente Sotto. Si Sotto ay isang mamamahayag noong kanyang kabataan bago nahalal na senador noong 1946 hanggang 1950. Sa ilalim ng nasabing batas, hindi maaring pilitin ang isang mamamahayag na kilalanin ang pinagkuhanan nila ng istorya. â(Under the law), any newspaperâ¦cannot be compelled to reveal the source of any news report or information appearing in said publication, which was related in confidence," ayon sa PDI. Nitong Martes, ipinahayag ni Arroyo sa panayam ng dzBB radio na magsusumite siya ng resolusyon sa House Committee on Ethics upang imbestigahan ang naturang artikulo. "It's either nakuryente si Juliet dahil binigyan s'ya ng istorya na mali or imbento ito ni Juliet. Hindi ako naniniwalang imbento ito ni Juliet. Nakuryente s'ya, alam mo naman nangyayari talaga 'yan," giit ni Arroyo. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV